Ikatlong sunod na panalo asam ng SMB

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Magnolia
vs Blackwater Elite
7 p.m. San Miguel Beer vs Columbian Dyip
Team Standings: TNT KaTropa (6-1); Rain Or Shine (6-1); Alaska (5-1); Meralco (4-2); Magnolia (3-2); Phoenix (3-3); GlobalPort (3-4); Columbian Dyip (3-4); San Miguel Beer (2-3); NLEX (2-5); Barangay Ginebra (1-5); Blackwater Elite (0-7)
MATAPOS na mabigo sa unang tatlong laro sa torneyo ay nais tumbukin ngayon ng nagdedepensang kampeong San Miguel Beermen ang ikatlong diretsong panalo sa pagsagupa nito sa delikadong Columbian Dyip sa pagpapatuloy ng 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Mag-uumpisa ang laban ganap na alas-7 ng gabi pagkatapos ng laro sa pagitan ng Magnolia Hotshots at ng wala pang panalong Blackwater Elite sa 4:30 p.m. opening game.
Sa huling laro ng Beermen noong Linggo ay trumabaho ng husto sina June Mar Fajardo, Arwind Santos at import nitong si Renaldo Balkman para maitakas ang 104-97 panalo sa overtime kontra Barangay Ginebra.
Sa larong iyon ay umiskor ng game-high 27 puntos si Balkman, 24 puntos si Fajardo at 19 puntos si Santos.
Mayroon ding 11 rebounds, tatlong assists at siyam na turnovers si Balkman habang nalimita ng San Miguel defense ang import ng Ginebra na si Justin Brownlee sa 18 puntos at 7-of-27 (26%) field goal shooting sa buong laro.

Hindi pa matiyak kung makalalaro para sa Beermen ngayon ang prized rookie nitong si Christian Standhardinger na namamaga ang tuhod kaya sasandalan ni SMB coach Leo Austria sina Chris Ross, Marcio Lassiter at Alex Cabagnot.
Si Standhardinger ay hindi pinalaro ni coach Austria noong Linggo matapos itong magtamo ng injury sa tuhod sa praktis nito kasama sina Stanley Pringle, Troy Rosario at RR Pogoy bilang paghahanda sa FIBA 3×3 World Cup na gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

“This is a long tournament and we will not force him (Standhardinger) to play if he’s not 100 percent,’’ sabi ni Austria kahapon.

“He’s a warrior and his doctors advised to rest him when needed. We’ll see if he can play tomorrow (today),’’
Samantala, pilit namang puputulin ng Dyip ang nalasap na dalawang sunod na kabiguan na ang pinakahuli ay kontra sa nangungunang TNT KaTropa, 95-123.
May tatlong panalo at apat na talo ang Columbian Dyip at kung nais nitong mapalakas ang tsansang makausad sa playoff round ay kailangan nitong matisod ang Beermen.
Sa unang laban ay patuloy na magtatangka ang Blackwater na makuha ang una nitong panalo.
Bagaman may kartada itong 0-7 ay may katiting na pag-asa pa itong makapasok sa playoffs pero kailangan nitong maipanalo ang lahat ng nalalabi nitong limang laban umpisa ngayon kontra Magnolia.
Huling nabigo ang Elite sa kamay ng NLEX Road Warriors, 89-93.
Nabigo rin ang Hotshots sa huli nitong laban kontra Rain Or Shine Elasto Painters, 96-99, at bumagsak sa 3-2 baraha. —Angelito Oredo

Read more...