Lumang problema sasalubong sa estudyante, guro

WALANG nakikitang pagbabago ang isang solon sa mga problema na kakaharapain ng mga estudyante at guro sa pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase bukas.

“Well i think pagbukas ng klase bukas makikita natin yong mga dati pa ring problema no. Yong mga kakulangan sa mga teachers, classrooms, mga libro at iba pa. Hindi pa rin mawawala yan,” ani ACT Rep. Antonio Tinio.

Sinabi ni Tinio na sa Metro Manila ang kulang na silid-aralan ay 18,000 kaya nangangahulugan na magsisiksikan sa mga classroom ang mga papasok na estudyante.

Isa umanong dahilan nito ang pagkabigo ng DepEd na magastos ang pondo nito noong mga nakaraang taon para makapagpatayo ng mga classroom.

“Yong problema nga over the past few years, yong under spending, malaking porsyento ng school building budget ng DepEd para sa taon ay hindi nila nauubos dahil nga mabagal yong pagpapatayo, yong mga rekesitos para sa construction ay hindi agad nagagawa.”

Kasama umano sa dahilan nito ang kawalan ng lupa na pagtatayuan ng mga gusali at ang hindi maayos na papeles ng lupa.

Kapag hindi nagamit ang pondo sa loob ng isang taon ay kailangan itong ibalik sa treasury.

“Yong classroom construction fund ng DepEd mahigit 100 billion. So malaking pondo nga ito. In the past minsan nasa 30% pa lamang yong utilization nito sa kalagitnaan ng taon. So yon nga yong matagal-tagal ng problema ng DepEd, hindi nagagamit nang husto.”

Problema pa rin umano ang kakulangan ng mga guro dahil kulang ang inilalaan ng gobyerno para sa pasuweldo.

Read more...