DATING kakanin vendor ang Pinoy na nanalong Mr. Universe Tourism na si Ion Perez na taga-Concepcion, Tarlac. Tinalo niya ang 20 iba pang kandidato na mula pa sa iba’t ibang bansa.
Pilipinas ang host ng Mr. Universe Tourism at ito’y ginanap nga kamakailan sa Tanghalang Pasigueno. Pag-amin ni Ion sa panayam ng ABS-CBN, hindi talaga niya i-nambisyon ang sumali sa male pageant.
“Mahiyain po ako. Sobrang mahiyain po talaga ako, siguro dala din ng isa akong probinsyano,” aniya.
Simple lang daw ang buhay nila noon sa Tarlac, “Tinutulungan ko po si nanay na gumawa ng kakanin. Ako po yung nagpa-pack sa mga kalamay na tinitinda namin. Sobrang saya ko po ngayon, na ang isang bata na dati nilang sinasabihan na pangit, mabaho, maitim, eto na po ako ngayon.”
Kung matatandaan, ang pambato ng Thailand na si Richard Carter ang first winner ng Mr. Universe Tourism.