MOR 101.9 mas pinalakas pa sa Pinas

MOR 101.9 pa rin ang pinakapinapakinggang istasyon ng radyo sa Mega Manila, at kasama ang 16 iba pang MOR stations nationwide, handa na itong maghandog ng mas pinalakas at mas pinalaking FM radio station sa paglulunsad ng MOR Philippines.

Base sa pinakahuling survey ng Kantar Media para sa unang quarter ng taong 2018, nakakuha ang MOR 101.9 Manila ng pinakamataas na average audience share na 33% sa lahat ng FM stations sa Mega Manila.

Bukod sa MOR Manila, karamihan din sa MOR stations sa bansa ay namamayagpag sa radyo sa kani-kanilang rehiyon kaya naman mas pag-iibayuhin pa ito ng MOR Philippines.

Sa ilalim ng MOR PH, magsasanib-puwersa ang 17 MOR stations para maghatid sa mga tagapakinig sa Luzon, Visayas, at Mindanao ng iisang tunog at iisang vibe.

Bukod sa paghahatid ng de-kalidad na entertainment sa radyo, sinusulong din ng MOR ang original Pinoy music o OPM at binibigyang pugay ang Filipino artists at songwriters sa pamamagitan ng taunang MOR Pinoy Music Awards.

Para sa taong ito, ang mga nominado para sa Song of the Year ay ang “Titibo Tibo” ni Moira Dela Torre, “Demonyo” ni JK Labajo, “Sampu” ni Jona, at ang “Shanawa” ni Maymay Entrata.

Nominado naman sina Maymay, Moira, Alexa Ilacad at Yeng Constantino para sa Female Artist of the Year, habang nominado naman para sa Male Artist of the Year sina JK, Iñigo Pascual, Christian Bautista at Noven Belleza.

Maglalaban-laban naman para sa Album of the Year ang Rivermaya (Sa Kabila Ng Lahat), sina Gloc 9 (Rotonda), Jona (Jona) at JK (JKL).

Para naman sa Best Collaboration of the Year, nominado sina Elisse Joson at Mccoy de Leon, Gracenote at si Chito Miranda, at si Jona with Boyband PH.

Nominado rin ang “Opposites Attract” ng McLisse, “Sundo” ni Moira, “Beautiful Girl” ni JK Labajo at “Why Can’t It Be” ni Kaye Cal para sa OPM Revival of the Year category.

Samantala, nakuha naman ng BoybandPH ang ikalawa nitong nominasyon para sa LSS Hit of the Year para sa awiting “Boyfriend.” Makakalaban nila rito sina TJ Monterde para sa “Tulad Mo,” Noven Belleza para sa “Tumahan Ka Na” at Kim Chiu para sa “Okay Na Ako.”

Magtatagisan naman para sa Regional Song of the Year ang “Cebuana” ni Karencitta, “Waray Love Bisaya” nina Polzkee at Ai, “Yayay” ng Piyaok Band at “Dvoena” ni Pao Lofranco.

Maglalaban naman sina Kisses Delavin, Maris Racal, Tony Labrusca at Noven Belleza para sa Best New Artist.

Hindi rin pahuhuli ang musical acts na sumikat online gaya ng Agsunta, Karencitta, Ex Batallion at Ben&Ben na nominado para sa Digital Artist of the Year category.

Magaganap ang MOR Pinoy Music Awards 2018 sa Hulyo 21 sa Araneta Coliseum. Abangan ang Facebook page ng MOR para sa malaman kung paano makakuha ng tickets sa #MORPMA2018.

Samantala, for the first time ay humarap naman sa mga miyembro ng entertainment media at bloggers ang mga pambatong DJ ng MOR 101.9 kabilang na nga riyan ang mga favorite naming sina DJ Chacha at DJ Jhai Ho. Nakakatuwa silang makita in person at nakikipagchikahan sa press.

Read more...