Rush vs Xpander

SA katatapos na Toyota Road Trek na driving exercises sa Pampanga at Bataan ay nagawa naming subukan ang bagong compact SUV ng Toyota na tinawag nilang Rush.

Maganda ang Rush. Maluwag at kaya rin magsakay ng pitong tao. Maganda ang fabric at materials ng loob nito at maging ang stereo at aircondition ay first class.

Ito ay kung iisipin mo na buong araw kami nagmaneho sa mainit na kapatagan ng Central Luzon. Hindi mahirap dalhin, at bukod dito ay komportable maging pasahero sa loob ng Rush.

Ang katapat at kalaban ngayon ng Rush sa merkado ng compact SUV ay nag-iisa lamang, ang Xpander ng Mitsubishi na nauna nang inilunsad noong nakaraang Marso.

Halos pareho ang dalawang sasakyan, sa laki, sa disenyo, sa kayang isasakay at sa displacement ng makina nila.

Ang Rush at ang Xpander ay parehong 7-seater, 1.5 liter ang makina, at yun nga, compact SUV ang klasipikasyon.

Medyo nagkaiba ang dalawa, sa aking pananaw, pagdating sa handling at lakas ng makina.

Magaan ang manibela ng Xpander at madali itong i-maniubra. Subalit mas stable ang handling ng Rush, lalo na sa magaspang na lansangan.

Mas maganda ang stereo at aircon ng Rush, subalit mas maganda naman ang speakers ng Xpander.

Pagdating sa power ng makina, bagamat pareho sila ng displacement, medyo nakakabitin ang hatak ng Rush sa highway kumpara sa Xpander. Medyo mas pino at malakas ang kotse ng Mitsubishi.

Pero ang interior nila ay parehong komportable at masarap sakyan. Madami din parehong cupholders at lalagyan ng mga gamit ang dalawa kung kaya’t maganda silang kotse pang-siyudad o pang-biyaheng probinsiya.

Sa katunayan, ang lalagyan ng bagahe sa likod ay parehong malaki at kakasya aag malalaking kahon at maleta na parang Fortuner o Montero.

Magkakatalo ang dalawang ito sa presyo. Dahil ang pinakamahal sa Rush ay P1,070,000 habang ang pinakamahal sa Xpander ay P1,060,000. Pinakamura ng Xpander ay P885,000 habang ang Rush naman ay P948,000.

Isa na namang matagumpay na Road Trek ang isinagawa ng Toyota. Sa pagkakataong ito ay dinala kami ng grupo ni Satoru Suzuki, Presidente ng TMP, sa eksklusibong island resort ng Balesin.

Dapat din purihin sina Sherwin Chualim, Jing Atienza, Carlo Ablaza at siyempre ang grupo ni Jade Sison na nangasiwa sa aming pag-test drive ng lahat ng sasakyan ng Toyota.

Ang Toyota Road Trek, na 14 na taon nang tumatakbo, ay ang taunang major test drive event ng Toyota para sa motoring media.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...