KAPAG nagpapaalam na ang isang magulang na OFW sa kanyang mga anak, sasabihin niyang hindi rin siya magtatagal sa abroad at babalik kaagad ng Pilipinas. Tatapusin lang daw ang kontrata.
Pero kapag nakatiyempo ng magandang bansang napuntahan, magandang trabaho, nagkaroon ng mabuting amo at mga kaibigan doon, makakalimutan na ang pangakong hindi raw siya magtatagal sa kaniyang pag-aabroad.
Totoong-totoo ito sa mga ama o inang OFW. Patuloy silang manga-ngako sa kanilang mga anak na hindi sila magtatagal sa abroad.
Mula sa dalawang taong kontrata, pagkatapos, magre-renew, dalawang taon na naman, magre-renew na naman, hanggang patuloy siyang renew ng renew.
Nagustuhan na ng OFW ang pagtatrabaho sa abroad. Hindi naman na nila kukunsultahin pa ang asawa o mga anak kung sila ay nagre-renew para sa panibagong kontrata.
Hindi na maririnig ang mga katagang huling kontrata na iyan. At kahit ang asawang dapat ay
itinuturing na katuwang ng OFW, wala na ring masabi pa.
Wala na siyang maikumento pa kapag nag-eextend ang OFW dahil katuwiran niya, hindi na rin niya kayang kontrolin ang asawa sa mga pagdedesisyon nito lalo pa’t siya ang nagpapadala ng pera para sa buwanang gastusin ng buong pamilya.
Nakalulungkot lang isipin na ang mga batang iniwan ng mga magulang na ito na sanggol pa o di kaya’y wala pang muwang, patuloy pa ring umaasa na isang araw, biglang darating na ang kanilang magulang at sasabihing nagbabalik na siya at hindi na muling aalis.
Pero hindi iyon ang realidad. Kabaliktaran pa nga! Sa halip na marinig ang pagbabalik, pagdating na pagdating pa lamang ng OFW kung siya ay magbabakasyon, agad nitong sasabihin ang petsa ng kaniyang pagbabalik sa abroad.
Narooong hindi siya puwedeng magtagal sa bakasyon. Wala ‘anya siyang makakapalit, inaasahan ‘anya siya ng employer na babalik agad.
Siyempre, kung nasabi man iyon sa asawa ng OFW, kahit pa hindi niya tanggap at kontra siya, wala naman din siyang magagawa!
E, di lalo pa ang kanilang mga anak. Para sa mga batang paslit, makikinig na lang sila sa bawat desisyon ng magulang at tulad ng nanay o tatay na naiiwan, wala rin silang magawa.
Hindi nila iyon kayang pigilan. Dahil kapag sinabi nila ang mga katagang “Huwag na kayong umalis, dito na lang kayo sa Pilipinas”, may nakahanda nang sagot diyan ang OFW.
Magugutom silang pare-pareho na dilat ang mata kung hindi siya muling makaaalis. Ikakatwiran na walang mahihita kung maghanap ng trabaho sa Pilipinas na napakaliit ng sahod; at tiyak na malaking adjustment iyon para sa kanilang lahat. At hindi na kaya iyon ng OFW.
Kaya tikom na ang bibig ng lahat, pero patuloy pa ring umaasa ang kanilang mga anak sa pangako ng kanilang pagbabalik.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com