Yasmien sa regalong sasakyan kay Mister: Pera ko ang ibinayad du’n!

REY SOLDEVILLA JR. AT YASMIEN KURDI

NA-SHOCK siyempre ang mister ni Yasmien Kurdi na si Rey Soldevilla Jr. nang makita ang birthday gift sa kanya ng Kapuso actress – isang brand new red Honda Civic RS na nagkakahalaga ng P1.5 million.

Talagang na-surprise raw ang asawang piloto ni Yasmien nang makita sa kanilang garahe ang kanyang regalo. Hindi raw kasi nito inaasahan na mabibili niya ang sasakyan na matagal na niyang gusto.

“Oo, nagulat siya talaga. Hindi niya in-expect. Kinuntsaba ko yung best friend niya, na pilot din, sabi ko, ‘Kuya tulungan mo ‘ko, may gusto akong bilhing car na ireregalo ko kay hubby.’ E, hindi ako nagda-drive, last time na nag-drive ako noong 2011 pa, kaya humingi naman ako ng tulong sa car company.

“Hindi ko kasi alam kung paano ko madadala sa bahay ‘yung sasakyan kaya yung staff nila they helped me para madala sa mismong garahe namin ‘yung sasakyan habang may flight naman ‘yung asawa ko,” kuwento ni Yasmien nang dalawin namin sa taping ng kanyang afternoon series na Hindi Ko Kayang Iwan Ka sa isang ospital somewhere in Quezon City.

Pagpapatuloy pa ng Kapuso actress, “Tapos nag-order lang ako ng cake online then nilagay ko sa likod ng kotse. Sabi ko nga, sana hindi matunaw ‘yung cake! Ha-hahaha! Ayun, nu’ng dumating siya, nagulat siya nasa garahe na ‘yung car. Yun talaga ang gusto niyang sasakyan. Matagal na niyang tinitingnan ‘yun.”
Natanong si Yasmien kung pera ba niya ang ipinambili niya ng kanyang birthday surprise sa asawa? “Oo naman. Alangan namang magbibigay ako ng gift tapos hulugan pala? Tapos hihingin ko sa kanya ‘yung panghulog. O, kaya galing din pala sa kanya ‘yung pera. Ang unfair naman nu’n, siyempre, bibili ka ng regalo dapat pera mo.”

Tungkol naman sa pagkakaroon ng kapatid ng anak nilang si Ayesha Zara, “Kung gusto na niya (Rey), okay lang naman, wala rin naman akong choice. Ha-hahaha! Pero sabi niya sa akin, bata pa naman ako, 29 pa lang ako ngayon so marami pang years na pwede kaming mag-baby. And hindi rin naman kami nagmamadali. Wala pa rin namang expiration date ang aking matris!”

Marami nang kinilig sa birthday message niya sa kanyang asawa, “I am so grateful I married a man as wonderful as you. Ang swerte ko kasi ang pogi mo, mabait, generous at super humble na tao (I am lucky because you are handsome, kind, generous and a super humble human being). I hope you never change in life, because you are absolutely perfect the way you are. I Love You so much! Happy Birthday Pangga (love).”

Samantala, extended ang teleserye ni Yasmien sa GMA Afternoon Prime na Hindi Ko Kayang Iwan Ka, kasama sina Jackie Rice, Mike Tan, Gina Alajar, Martin del Rosario, Charee Pineda at marami pang iba. Patunay lang ito na patuloy ang paghataw sa ratings game ng programa.

In fairness, maraming natututunan ang viewers sa serye lalo na ang isyu tungkol sa HIV-AIDS na siyang sentrong tema ng kuwento. Sabi nga ni Yasmien, magpapatuloy ang adbokasiya niya sa AIDS kahit tapos na ang HKKIK.

“Napakarami ko nang na-meet na may HIV, pati ‘yung mga support groups na tumutulong sa kanila. Masaya ako na naging bahagi ako ng kanilang advocacy and willing ako na maglaan ng oras para sa mga projects nila,” sabi ni Yasmien na gumaganap ngang HIV patient sa serye.

“Alam n’yo may mga na-meet na akong may HIV patients and they’re doing well naman, they look healthy. In fact, mas mukha pa silang healthy sa akin, mas maganda yung kulay nila, mas active. Siguro depende talaga ‘yan sa pag-aalaga mo sa sarili mo at kung disiplinado ka sa lahat ng bagay lalo na sa pagpapagamot,” dugtong pa ng Kapuso actress.

At dahil may book 2 na ang Hindi Ko Kayang Iwan Ka, asahan daw ang mas matitindi at maiinit na eksena nina Yasmien, Jackie at Ms. Gina. Ito’y sa direksyon ni Neal del Rosario. Bukas marami pa kaming chika about Yasmien.

Read more...