ILAGAN City, Isabela — Pag-aagawan ng mga miyembro ng national team, sa pangunguna nina Eric Cray at Anthony Trenten Beram, ang mga nakatayang silya para sa 18th Asian Games sa pagsambulat ng 2017 Ayala Philippine National Open Invitational Athletics Championships Huwebes ng umaga dito sa Ilagan City Sports Complex.
Masusubok ang buong kakayahan ng mahigit na 60 miyembro na elite at national pool ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) laban sa mga Pilipino at dayuhang karibal na hahamon para sa mga gintong medalya.
Dumating na sa bansa ang 2016 Rio De Janeiro Olympian na si Cray at agad na nagpakundisyon sa mainit na panahon upang pamunuan ang listahan ng track and field athletes na hindi lamang makikipagbakbakan para sa mahigit na 550 gintong medalya sa limang araw na labanan kundi pati na rin para mapabilang sa delegasyon ng Pilipinas para sa Asian Games na gaganapin sa Indonesia sa Agosto at sa 2019 Southeast Asian Games.
Miyerkules ng hapon ay isinagawa ng makulay na opening ceremony tampok ang lahat ng mga kalahok na binigyan ng pagsalubong at papugay nina Ilagan Mayor Evelyn Diaz, overall coordinator Jose Marie Diaz at Patafa president Philip Ella Juico.
Pinangunahan ni Hakket Delos Santos ang Oath of Sportsmanship habang sisindihan nina Rea Bacani, JC Yuson, Ralph Paulo Castillo at Rebecca Vinuya ang championship flame.
Isasagawa naman ang opisyal na kompetisyon ganap na alas-5 ng umaga sa Huwebes sa paglarga ng 10,000 meters (women), shot put (men) at high jump (women).
Ang Texas-based na si Cray, na tinanghal na fastest man in Southeast Asia noong 2015, ay agad na nagparehistro sa kanyang paboritong event na 400m hurdles, 100m run at 400m kasama ang mga nakakuwalipika na sa Asiad na sina 2017 SEA Games double gold medalist Trenten Beram, long jump queen Marestella Torres-Sunang, decathlete star Aries Toledo, triple jumper Mark Harry Diones, pole vaulter Ernest John Obiena at Mary Joy Tabal.
“We expect our athletes to match or break their personal and season bests. To make it more enticing, incentives of P20,000 to P100,000 await athletes who can shatter Philippine records,” sabi ni Juico.
Makakasagupa ng mga national athletes ang matitinding kalaban mula sa Sri Lanka, United Arab Emirates, Indonesia, Thailand, Malaysia at Sabah.
Lahat ng national athletes ay obligadong lumahok sa torneo maliban kay pole vault specialist EJ Obiena, na sasabak ngayon sa Diamond Athletics League sa Rome at nagsasanay sa Formia, Italy sa ilalim ni Ukrainian coach Vitaly Petrov.
Si Obiena, na nagbabalik matapos makapagpagaling sa ACL injury na nagdulot para hindi makasali sa SEA Games sa Kuala Lumpur, ay hawak ang national record na 5.61 meters na itinala nito sa 2017 Stabhochsprung Classic sa Germany. Ang nasabing marka ay halos kapantay na sa isang ginto sa Asian Games.