DAHIL sa sobrang galing sa paghawak ng pananalapi ng isang pamosong lalaking personalidad ay nababantayan niya ang lahat ng mga nangyayari sa kanilang tahanan.
Walang nakaliligtas sa kanya, bawat galaw ng kanyang mga kasama sa bahay ay alam niya, puwede nga siyang maging guwardiya.
Sa kapaguran niya sa pagtatrabaho sa labas ay nakakaya pa niyang i-check ang lahat-lahat, makatipid lang, ‘yun ang unang-unang hangad niya kaya ganu’n kabusisi ang male personality sa takbo ng kanilang kabuhayan.
Chika ng isang source, “Iniikutan niya ang buong bahay at bakuran nila, walang puwedeng itago sa kanya, masipag siyang magkumpuni ng mga sira-sirang parte ng bahay nila, sa totoo lang.
“Kunwari, may sira sa kanilang banyo, hindi na niya kailangang tumawag pa ng tubero, marunong siya nu’n, nag-aral siyang mag-ayos ng mga bowl, tubo, lababo pa at kung anu-ano.
“May maputol silang kawad ng kuryente? Kayang-kaya niya ring palitan ‘yun, magaling siya sa lahat ng bagay, kaya napakalaki ng natitipid niya!” simulang kuwento ng aming impormante.
Lalo na sa pagkain ng kanyang pamilya at mga kasambahay, wala ring nasasayang, para siyang chef sa husay niyang gumawa ng mga paraan na pakinabangan ang kanilang mga tira-tira.
“Ang paboritong ulam ng lalaking ‘yun, e, pangat. Pangalawang init, pangatlong init, puwede pa ngang umapat na init ang mga pagkain nila kung kailangan. Walang nasasayang, dahil ang katwiran niya, e, pinaghihirapan niya ang bawat sentimong ipinambibili nila ng mga pagkain!
“Na totoo naman. Pinagpupuyatan at pinaghihirapan niya ang pambili ng bawat isinusubo ng wife niya at mga anak. Ganu’n siya kagaling mamuhay. Dati na siyang kuring, pero mas natuto pa siyang humawak ng pera nu’ng matagal siyang nanirahan sa ibang bansa.
“Du’n siya natutong magpalit ng mga tubo at lababo, du’n siya natutong maglinis at magluto, kaya lahat ng nakasanayan niya du’n, e, binitbit niya nu’ng bumalik na uli siya dito para mag-artista na naman.
“Araw at gabi niyang binabantayan ang kabuhayan nila, sa totoo lang, dahil ayaw niyang nakadepende sa mga trabahador na bayaran, nanghihinayang siya,” napapailing pang pagtatapos ng aming source.
Araw-gabi, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kaya alam na! Alam na alam n’yo na kung sino siya!