NAGPASALAMAT si Vina Morales kay Padre Pio matapos lumabas ang “guilty” verdict ng korte kaugnay ng kasong kidnapping isinampa niya laban kay Cedric Lee.
Ayon sa aktres, kay Padre Pio niya ipinanalangin nang husto ang tungkol sa kidnapping case na inihain niya kay Cedric Lee, ang ama ng kanyang anak na si Ceana.
Hinatulan ng guilty si Cedric sa hindi nito pagsoli kay Ceana nang siyam na araw at inutusan ng korte na magbayad ng fine at iba pang kaukulang danyos. Agad namang nag-post ng pasasalamat si Vina sa kanyang Instagram account.
Ayon sa aktres, “Salamat po Panginoon Padre Pio, Mahal kong pamilya, Matatalik kong kaibigan at sa iyo Atty @lucillesering to God be the Glory #AnsweredPrayer #GodisGreat #thankful.”
Tinext namin si Vina kahapon habang tinitipa namin ang balitang ito kung pagkatapos magbayad ng danyos si Cedric ay tuloy pa rin ang visitation rights nito sa kanilang anak.
“For now, Reggs hindi pa napag-usapan kasi nasa San Juan case pa ‘yan. Hindi ako puwedeng mag-comment pa kasi may on-going case pa kami regarding custody case,” paliwanag ni Vina sa amin.
Dagdag pa niyang sabi, “Thankful ako kasi ‘yung kidnapping found guilty siya, so napatunayan na we’re telling the truth.”
Kinumusta namin si Ceana kung alam niya ang nangyari sa kaso ng daddy niya, “Yes alam niya kasi that day ibinalik ‘yung mga gamit niya pati mermaid tail from last year na ayaw ibalik.
“Basta thankful kami ni Attorney (Lucille Sering) na found guilty, hope he stops harassing us. Kapagod at kaawa din ‘yung bata,” sabi pa ni Vina sa amin.
Samantala, napag-alaman namin mula sa isang kakilala na taga-Caloocan City Hall na may libel case palang isinampa si Cedric laban kay Vina na may kinalaman sa mga pahayag noon ng aktres sa media tungkol sa hindi pagsoli ng negosyante sa anak nila sa tamang oras at araw.
Ayon kay Vina, waiting na lang siya sa resulta ng kasong ito. Na-cancel naman ang taping niya kahapon para sa seryeng Araw Gabi kasama sina JM de Guzman at Barbie Imperial.