TOTOO na ang utang ay dapat bayaran at panagutan. Iba ang utang kesa sa hingi. Maraming sumang-ayon sa negosyanteng si Joel Cruz sa ginawa niyang pagdedemanda sa kababayan nating nagnenegosyo sa Brunei na si Kathy Dupaya.
Pero siyempre’y hindi naman kakampi ni Joel Cruz ang buong bayan sa ginawa niyang aksiyon, lalo na sa sinabi niyang kasama sa kanilang pinagkasunduan ni Kathy Dupaya na nasa kanilang kontrata ang pagbabayad nang one percent kada araw kapag sumira ito sa kanilang usapan, gipit na nga raw ‘yung tao ay lalo pa niyang ginigipit.
“Napakayaman na nga niya, siya na nga raw ang lord of scents, pero pumasok pa rin siya sa pagpapautang ng pera sa mga OFW, dahil malaki ang magiging tubo niya buwan-buwan?
“Hindi ba niya naisip na too good to be true ang inialok sa kanya? Six percent interest monthly, ang laki-laki nu’n! Hindi pa ba siya natutuwa sa kung ano ang meron siya ngayon?
“Tama, dapat lang panagutan ang pagkakautang, pero ang unang tanong sa inabot niyang indulto, hindi ba’t ang malaking tutubuin niya sa ipinuhunan niyang salapi ang malinaw na dahilan nu’n?” tanong-opinyon ng aming source.
Basta, ang alam namin ay takot na takot si Joel Cruz na maging biktima siya ng kidnapping, kaya marami siyang bodyguards kahit saan siya magpunta.
Marami siyang guwardiya, pero kumustahin naman natin kung ano ang nakalagay sa plate number ng magarang sasakyan niya, JOEL CRUZ at hindi numero!