SA isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ay maraming nagtatanungan kung bakit biglang yaman ang isang kilalang female personality.
Binalikan nila ang mga proyektong ginawa niya, pero wala namang sapat na dahilan para yumaman siya, hanggang telebisyon nga lang ang babaeng personalidad kung tutuusin.
Pero buhay-mayaman na siya ngayon, pabiyahe-biyahe na lang kasama ang kanyang pamilya, sa tanong kung paano siya nakapagpatayo ng bahay na sobrang laki para sa kanya ay tanging si Batman lang ang nakakaalam ng reason kung bakit at paano.
Kuwento ng isang source, “Nu’ng maungkat nga kung paano siya nakapagpatayo ng parang mansiyon na, e, di ba, naghamon pa siya? Ibibigay raw niya kung saang bank siya nangutang, nag-loan daw siya, matagal na panahon niyang babayaran ‘yun!
“Ang tapang niyang maghamon, pero hindi niya naisip na bago siya makapangutang sa bank, e, kailangan niyang magkaroon ng property para maging guarantee na makapagbabayad siya.
“Anong property kaya ang ini-loan niya sa bank, saan naman kaya nanggaling ‘yun, samantalang panay-panay ang sabi niya na kaya siya nag-artista, e, gusto niyang maiahon sa hirap ang family nila?
“Huwag na lang kasing magsalita dahil marami namang nakakaalam sa pagiging keptwoman niya ng isang milyonaryong pulitiko! Natural, ‘yung karelasyon niya ang pinagmulan ng mga kasaganaang meron siya ngayon na sobrang ine-enjoy niya!” nakataas ang kilay na sabi ng unang impormante.
At kung dati’y nakikiusap pa siyang magkatrabaho dahil hindi raw kumakasya sa mga pangangailangan niya ang kanyang kinikita sa isang programa lang ay iba na ang kanyang tono ngayon.
“Siya na ang tumatanggi ngayon sa work, kung dati, e, siya ang hanap nang hanap ng pagkakakitaan niya, ngayon, e, okey na siya sa isang show lang. Masaya na raw siya sa ganu’ng trabaho lang.
“E, bakit nga naman siya magpapakapagod pa, e, puwede na siyang mahiga at matulog na lang sa maghapon nang wala siyang ginagawa dahil panay-panay ang dating ng biyaya sa kanya?
“Hay, naku! Maghamon pa bang mag-check sa bank ang mga nagdududa sa biglaan niyang pagkakaroon ng house? Kimkimin na lang sana niya ang dahilan kung bakit, huwag na siyang magsalita, dahil bukelya na naman siya!” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kayo, kikimkimin n’yo lang ba ang pagkasigurado n’yo kung sino siya?