Hajji Alejandro original ‘kilabot’ mukhang bagets pa rin kahit 63 na


“I DO everything in moderation!” Yan ang isa sa mga sikreto ng OPM icon at original Kilabot Ng Mga Kolehiyala na si Hajji Alejandro kung bakit malakas pa rin ang kanyang resistensya kahit senior citizen na siya.

“Actually hindi ako naninigarilyo, that’s a big plus kasi kakapusin ka sa hininga. I drink occasionally mga red wine like that kapag may okasyon lang. I tried to get enough sleep and I watched of what I eat kasi kailangan sa negosyo ‘yun.

“I ought it to myself and to my following to keep myself in shape so I can give my best in terms of movement on stage and vocally.

“So far naman it works for me all these years I learned in my singing career,” sagot ni Hajji sa tanong kung paano niya napapanatiling maganda ang katawan at boses kahit na 63 years old na siya.

Hindi rin namin nakitaan ng puting buhok si Hajji nang lapitan namin (sa pagdadala ng damit ay hindi rin siya pahuhuli sa uso) pagkatapos ng kanyang blog conference na ginanap sa Cornerstone Studio para sa concert niya sa The Theater Solaire sa Hunyo 23, ang “Powerhouse IV: Hajji Ako At Ang Aking Musika 45 Taon.”

Sino ba ang makakalimot sa awiting “Kay Ganda ng Ating Musika” na nagpanalo kay Hajji bilang unang Metro Manila Popular Music Festival winner noong 1978. Hanggang sa nagkasunud-sunod na ang hit songs niya tulad ng “Panakip Butas”, “Nakapagtataka,” “May Minamahal,” “Tag-Araw Tag-Ulan,” at marami pang iba.

At dahil pawang mga kolehiyala ang fans ni Hajji noon laya nabansagan siyang Kilabot ng mga Kolehiyala, talagang puro mga naka-uniporme pa raw ang mga ito kapag nanonood ng shows niya.
Galing ng Circus Band si Hajji kaya ng magsolo siya bilang singer ay kabado siya, pero laking gulat niya dahil umarangkada nang husto ang singing career niya as solo artist.
Kuwento niya, “Mangiyak-ngiyak ako nu’n. Imagine ‘yung kanta mo, ‘yung boses mo naririnig mo mismo sa radio?
“Ang hirap i-explain nu’ng pakiramdam pero sobrang masaya, masarap na nakaka-proud. In fact, until now kapag naririnig ko ’yung mga kanta ko, I remember it like it was only yesterday.”
Sa 45 na taon ni Hajji sa industriya ay labis niya itong ipinagpapasalamat dahil iilan nga lang naman ang umabot nang ganito katagal sa industriya.
“Utang na loob ko ito sa lahat ng sumuporta at patuloy na sumusuporta all these years. Kung wala sila, wala ang isang Hajji Alejandro ngayon kaya sobrang grateful at thankful ako,” nakangiti nitong sabi.
q q q
Hindi rin maramot si Hajji dahil sa rami ng magagaling na singers ngayon ay handa siyang umalis ng entablado para ibigay ito sa kanila at magbigay payo rin para mas lalong tumagal ang career nila.
“Hindi ko alam but if anything, I want to have a graceful exit. I think experience-wise, punong-puno naman na ako nu’n at as a professional I know na kailangan kong mag-give way para sa ibang mga singers,” saad nito.
Sa tanong kung sino ang gustong makatrabaho o makasama ni Hajji sa show, “(Nag-isip), ako kasi open ako kung sino, open ako sa ganu’n and I’m willing to share my experiences.
“Hindi ako maramot in giving tips to those who are open to improve their singing, their craft at sa ganu’n paraan ma-uplift natin ang industriya at ma-improve. Kasi in every generation, dapat ‘yung susunod, mas magaling.
“Kailangan pagaling nang pagaling ‘yan, hindi puwedeng mapako, sabi nga nila, ‘yung mga batang singers ngayon, ‘yung mga kanta namin daw noon, nire-revive?
“Malungkot ‘yung part na ‘yun for the industry, masaya sana sa amin because hindi namamatay ‘yung music namin na kinakanta pa rin ng mga bata, pero in general, hindi puwedeng mapako ro’n, e.
“Kinakailangan mag-create pa ng mas magandang music ‘yung mga bagong generation, ma-inspire pa ang mga songwriters, composers at maging generous in giving to new artists, mga songs na nababagay sa kanilang boses,” punto de vista ng Tito ng mga batang mang-aawit ngayon.
Sabi ni Hajji na may kuwento ang upcoming concert niya dahil kuwento raw ito ng buhay niya as a singer.
“Yung mga behind the scenes, memories ng buhay ko, ise-share ko sa audience. I’m thankful na binigyan ako ng ganitong opportunity na maikwento ‘yung music journey ko, sinong influences ko, anong story sa likod ng mga awitin ko lahat yan but siyempre in a light way and very entertaining,” aniya.
Si Hajji rin ang personal na pumili at kumausap sa guests niya tulad nina Celeste Legaspi, Marco Sison at Rey Valera kasama rin ang anak niyang si Rachel Alejandro.
Ang “Powerhouse IV: Hajji Ako At Ang Aking Musika 45 Taon” ay sa produksyon ng Lucky 7 Koi at line produced ng Cornerstone Concerts.

Read more...