MAHAHARAP sa 18 buwang suspensyon ng Fiba si Kiefer Ravena matapos ang pumalyang drug test dahil sa pag-inom ng pre-workout drink na may prohibited substances.
Nabigyang linaw ang pagkakasangkot ni Ravena sa iskandalo sa ginanap na press conference ng Samahang Basketbol ng Pilipinas Lunes ng hapon sa Tv 5 Media Center kung saan ibinunyag ng national sports association ng bansa sa basketball na SBP na uminom si Ravena ng ‘Dust’, isang energy drink na may halong ipinagbabawal na mga sangkap.
Ang mga substances na ito ay nagngangalang 1.3-Dimethylbutylamine, 4-Methylhexan-2-amine (methylhexaneamine) at Higenamine na nasa listahan ng World Anti-Doping Agency bilang prohibited substances.
Ininom ni Ravena ang nasabing inumin bago ang laban ng Gilas kontra Japan para sa 2019 Fiba World Cup Asian Qualifiers noong Pebrero 25, 2018. Matapos ang laro, isinagawa ang random drug test at nagpostibo ang 24-anyos na guwardiya.
Aminado naman si Ravena na kanyang ininom ang pre-work out drink nang hindi nalalaman na ipinagbabawala pala ang mga sangkap nito.
Gayunpaman, maluwag niyang tinaggap ang pagkakamali.
“That’s my honest mistake,” sabi ni Ravena sa harap ng media kasama sina Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio, SBP Chairman Emeritus Manny Pangilinan, SBP executive director Sonny Barrios at PBA chairman-POC president Ricky Vargas.
Hindi makapaglalaro si Ravena hanggang Agosto 24, 2019 na nangangahulugang mababawasan ng mahalagang piyesa ang Gilas Pilipinas.
Sumulat na rin ang SBP sa Fiba upang klaruhin kung maaari pa ring makapaglaro ang rookie sensation sa kanyang koponan na NLEX Road Warriors sa PBA habang nasa ilalim ng suspensyon.