Mayor sa Bohol patay matapos pagbabarilin sa loob ng sabungan

PATAY si Buenavista Mayor Ronald “Sampol” Tirol matapos pagbabarilin sa loob ng sabungan ngayong Linggo.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa likod ng pag-atake ngunit ayon kay Police Chief Insp. Rully Lauron, chief ng Buenavista Police Station, posibleng politika at personal ang motibo sa pamamamaril.

Pinatay si Tirol, 38, habang nakaupo sa isang sulok sa loob ng sabungan ganap na alas-3 ng hapon. Wala ang kanyang mga bodyguard sa bisinidad nang mangyari ang pamamaril.

Dinala ang mayor sa Francisco Dagohoy Municipal Hospital sa bayan ng Inabanga, bagamat nasawi rin ito.

Sinabi ni Laureon na pumasok ang tatlong hindi pa nakikilalang mga suspek na nakasuot ng jacket, sa loob ng sabungan. Lumapit ang isa sa mga suspek kay Tirol at pinagbabaril ang biktima.

Anak si Tirol ni yumaong Buenavista Mayor Leandro Tirol at dating Buenavista Mayor Elsa Tirol.

Nag-utos na si Bohol Gov. Edgar Chatto ng isang manhunt para tugisin ang mga salarin.

 

Read more...