VERY obvious na hindi nagpapansinan ang dalawang male star na tatawagin naming Actor A at Actor B na parehong produkto ng Pinoy Big Brother.
Nu’ng una ay deadma lang kami dahil baka nga naman hindi sila talaga close at saka nakita rin naming busy sila sa kanilang cellphone kaya may kanya-kanya silang mundo.
Hanggang sa nawala na sa isipan namin ang eksenang iyon. Sumikat nang husto si Actor A dahil nagkatulungan sila ng ka-loveteam niyang produkto rin ng PBB. Namayagpag ang mga pangalan nila, pero hindi pa rin nila natalbugan ang mga loveteam na mas nauna sa kanila.
Sobrang sweet sina Actor A at ang aktres na ka-loveteam niya, kulang na lang ay gapa-ngan sila ng mga langgam dahil parati nga silang magkadikit.
Pero may narinig kami sa isang make-up artist, “Palabas lang ‘yan kasi magka-loveteam, hindi naman type ni girl si boy. May ibang gusto si girl ‘no!” Tinanong namin kung sino, “Abangan mo sis, lalabas din ang totoo.”
Sa totoo lang ilang buwan na ang nakalipas nang huli naming makausap ang make-up artist kaya limot na namin ang magka-loveteam na halos langgamin sa ka-sweetan.
At heto na bossing Ervin, nalaman namin na ito palang si Aktor A ang umaasang gusto siya ng ka-loveteam niya dahil nga sweet ito sa kanya, akala sila na. Nagpakitang-gilas na nga siya para totohanin ang kapartner.
Kaso sumasakay lang si aktres sa loveteam nila pero ang totoo may iba pala itong gusto, sa katunayan may mutual understanding na sila ni Actor B.
Yun pala ang dahilan kaya hindi na nagpapansinan ang dalawang male celeb.
Tsika pa ng aming source, “Actually, napipikon na minsan si ____ (Actor B) du’n sa isa kasi siyempre off-camera sila ni _____ (aktres). E, minsan magte-text si ____ (Actor A) na nababasa naman dahil pinapakita nu’ng girl. Feeling naman, di ba?”
Walang ka-loveteam si Actor B kaya open siya maski kanino siya itambal, pero sa tingin namin ay hindi na niya kailangan dahil marunong siyang umarte kumpara kay Actor A na sabi nga ng viewers sa huli nitong serye, “Maingay siyang umakting, madada. OA na!”
Sa ngayon ay wala pang bagong project si Actor A pero si aktres ay kasama sa isang show na iba ang ka-loveteam.