2nd EDDYS ‘Nominees Night’ rarampa na sa June 3


MAGSASAMA-SAMA sa gaganaping “Nominees Night” ang mga nominado sa 14 kategorya ng 2nd EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) bago ang pinakaaabangang gabi ng parangal.

Sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines, Globe, OneMega Group at Wish 107.5 FM station, rarampa ang mga nominado sa idaraos na “Nominees Night” sa June 3, 5 p.m., sa 38 Valencia Events Place, Quezon City.

Dito personal na ipamamahagi ng mga opisyal na SPEEd at ng FDCP, sa pangunguna ni Chairperson Liza Dino, ang certificates of nomination.

Magsisilbing host ang Kapuso actress na si Rhian Ramos. Ilan sa guest performers ay sina Dessa, Katrina “Suklay Diva” Velarde at ang singer-actress-songwriter na si Hazel Faith.

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga nominado na mainterbyu sa loob ng pamosong Wish Bus mula naman sa fastest-growing FM station na Wish 107.5.

Samantala, ang awards night para sa 2nd EDDYS ay magaganap sa darating na Hulyo, sa pakikipagtulungan pa rin ng FDCP at ng Globe sa pamamagitan ni Senior Vice-President Yoly Crisanto.

Pagkatapos ng awards night, magkakaroon ng bonggang after-party na tatawaging The EDDYS Mega Party, sa pangunguna ng OneMega Group.

Sa direksyon ni Paolo Valenciano, inaasahang mas magi-ging malaki at mas exciting ang ikalawang pagbibigay parangal ng SPEEd sa mga natata-ngi at de-kalidad na pelikula noong 2017.

Ang Globe Studios ang major presenter habang ang Wish naman ang hahawak sa production ng 2nd EDDYS.

Narito ang listahan ng mga nominado sa 2nd EDDYS: Best Film: “Birdshot” (TBA Studios); “Deadma Walking” (T-Rex Entertainment); “Respeto” (Cinemalaya Foundation, ArkeoFilms, Dogzilla); “Smaller And Smaller Circles” (TBA Studios); at “Unexpectedly Yours” (Star Cinema).

Sa Best Actress, makikipagtagisan ng galing kay Megastar Sharon Cuneta (Unexpectedly Yours) sina Joanna Ampil (Ang Larawan); Mary Joy Apostol (Birdshot); Bela Padilla (100 Tula Para Kay Stella); at Alessandra de Rossi (Kita Kita).

Paglalabanan naman nina Abra (Respeto); Joshua Garcia (Love You To The Stars And Back); Edgar Allan Guzman (Deadma Walking); Aga Muhlach (Seven Sundays); at Ronaldo Valdez (Seven Sundays) ang Best Actor award.

Nominado sa pagka-Best Supporting Actress sina Angeli Bayani (Maestra); Alice Dixson (The Ghost Bride); Chai Fonacier (Respeto); Therese Malvar (Ilawod); Jasmine Curtis (Siargao). Sa Best Supporting Actor maglalaban-laban sina Enrique Gil (Seven Sundays); Sid Lucero (Smaller And Smaller Circles); Dido dela Paz (Respeto); Arnold Reyes (Birdshot); Dominic Roco (I’m Drunk, I Love You).

Ang iba pang kategoryang paglalabanan sa awards night ay ang Best Screenplay, Cinematography, Visual Effects, Musical Score, Production Design, Editing at Original Theme Song.

Tatlong special awards din ang ipamimigay ng Eddys ngayong taon: ang Joe Quirino Award ay igagawad sa yumaong movie reviewer at professor na si Mario Hernando (Posthumous); Manny Pichel Award ay ibibigay sa Entertainment Editor at columnist na si Ricky Lo; at ang Producer of the Year ay igagawad kay Vic del Rosario, Jr., ng Viva Films.

Read more...