KAPAG day-off at pista opisyal sa Hong Kong, nagkalat sa mga commercial places gaya ng shopping mall, parke, lansangan at pati sa mga tulay, ang mga foreign domestic helpers.
Hindi rin maitatanggi na malaking bilang ng mga Pinoy ang bumubuo ng napakaraming FDH sa Hong Kong.
Kaya naman kapag day-off, hindi talaga maaaring manatili sa tahanan ng kanilang mga amo ang ating mga OFW. Pinakahihintay-hintay nila iyon sa loob ng sanglinggo at may mga schedule na silang activities.
Kasama na riyan ang pagiging aktibong miyembro ng iba’t ibang mga organisasyon ng Pinoy. Ang pagsali sa iba’t ibang mga contest, isa na riyan ang beauty pageant. Ang pag-alala o selebrasyon ng iba’t ibang mga okasyon sa Pilipinas, at marami pang iba.
Ilan ito sa maraming dahilan kung bakit napupuna ng mga mambabatas sa Hong Kong ang pag-iistambay ng mga FDH doon. Anila, nakakaabala na sila at lalo lamang nagsisikip ang mga pampublikong lugar kapag naglalabasan ang mga FDH.
Tulad na lamang ng isang lugar sa Central na kung tawagin ay Chater Garden, tuwing araw ng Linggo, isinasara talaga iyon upang magamit ng mga Pinoy.
Kung nakikita ngayon ng Hong Kong na malaking problema na nga ang pag-iistambay ng mga FDH, hindi naman nila ito mapipigilan.
Wala sa kontrol ng mga FDH ang naturang problema dahil wala rin naman silang maaaring mapuntahan sa mga araw na iyon.
Kahit sabihin pang wala naman silang gagawin sa araw ng day off, pero hindi ito papayag na manatili sa bahay ng amo. Claim nila, kapag nasa bahay sila ng amo tiyak na uutusan pa rin sila. Kaya naman, talagang gusto nilang lumabas dahil unang-una ay karapatan nila iyon para makapag-relax kahit papaano.
Puwede nga naman silang makatawag ng mahaba-haba sa pamilya, makapamili ng kaunting pampasalubong para sa pinupunong balikbayan box, makakain sa restaurant, makapag-kape kasama ang ilang kaibigan at saka babalik sa bahay ng amo kapag sumapit na ang gabi.
May mga OFW pa ngang magsisimula nang mag-diet kapag sumapit ang araw ng Miyerkules, upang pagdating ng Sabado o Linggo, maisusuot nila ang mga seksing damit at maipagmamalaki sa mga kapwa OFW ang magandang hubog ng katawan.
Kaya naman, nasa kamay ng Hong Kong government ang solusyon kung bibigyan nila ng isang lugar lamang na puwedeng pag-istambayan ng mga FDH na hindi makakaabala sa lumalagong populasyon ng Hong Kong.
Para sa ilang Pinay, gi-nugugol nila sa makabuluhang aktibidades ang kanilang day-off tulad ng pag-aaral ng iba’t-ibang mga kurso pandagdag kaalaman, pagdalo sa mga training at livelihood programs ng Konsulado ng Pilipinas.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com