Manoy patay sa aksidente; natagpuang bangkay sa kuwarto; inatake sa puso…lahat ‘fake news’

EDDIE GARCIA

“PINATAY” na naman si Tito Eddie Garcia! Parang pusa na ang magaling na beteranong aktor sa pagkakaroon niya nang napakaraming buhay.

Taun-taon na lang ay may lumulutang na balitang namatay na si Tito Eddie. Iba-iba ang sinasabing dahilan ng kanyang pagkamatay. Merong naaksidente siya sa pagmomotorsiklo.

Meron ding inatake sa puso si Tito Eddie habang nagdya-jogging sa kanilang subdivision, meron ding kuwentong natagpuan siyang wala nang buhay sa kanyang kuwarto, lahat ng ‘yun ay fake news lang.

Sa ilang beses naming pakikipagkuwentuhan sa marespetong veteran actor ay aminado siya na hindi na siya bumabata pero ang magandang disiplina niya sa katawan ang nagpapahaba sa kanyang buhay.

Hindi siya naninigarilyo, uminom man siya ay in moderation lang kung kanyang ilarawan, hindi siya palakain ng red meat at gulay ang nakasanayan na niyang ihanda sa kanyang hapag anumang oras.

“If it’s your time to go, you’ll gonna go,” madalas ding sabihin ni Tito Eddie. At nakahanda na raw siya sa takdang panahon na kailangan na niyang magpaalam sa mundo.

Pero huwag naman sanang madaliin ng mga walang magawa d’yan ang buhay ng magaling at respetadong aktor. Malaking kawalan siya sa industriya, napakalaki ng naiambag niya sa mundo ng pelikula at telebisyon, magluluksa ang buong bayan kapag siya’y nawala na.

Read more...