PITONG hinihinalang drug pusher ang napatay sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa mga lalawigang nakapaligid sa Metro Manila nito lang Miyerkules at Huwebes.
Apat ang napatay at 35 ang naaresto, habang 120 sachet ng hinihinalang shabu at apat na baril ang nasamsam sa Bulacan, ayon sa ulat ng provincial police.
Napatay ang isang alyas “Onad” sa bayan ng Sta. Maria, isang alyas “Ric” sa Meycauayan City, Gilbert Lopez sa Malolos City, at isang alyas “Dame” sa Guiguinto, sabi ni Senior Supt. Chito Bersaluna, direktor ng Bulacan police.
Kabilang naman sa mga naaresto si Doris Abraham, residente at bagong halal na kagawad ng Brgy. Sampaloc, San Rafael.
Sa Laguna, napatay si Lorenzo Valdez alyas “Undoy” nang makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust sa Brgy. Caingin, Santa Rosa City, dakong alas-12 ng madaling-araw Huwebes, sabi ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, direktor ng Calabarzon regional police.
Nakuhaan ang suspek ng walong sachet ng hinihinalang shabu at isang kalibre-.45 pistola na may pitong bala.
Halos kasabay nito, nauwi rin sa engkuwentro ang buy-bust na isinagawa sa Brgy. Calantipayan, Lopez, Quezon.
Gayunpaman, nakatakas ang mga suspek, na nakilala lang sa mga alyas na “Abuy Lopez” at “Mark.”
Bago iyon, dakong alas-10:30 ng gabi Miyerkules, napatay si Richard Edlas nang makipagbarilan din umano sa mga operatiba sa Brgy. Bucana, Ternate, Cavite.
Nakuhaan siya ng 11 sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre-.38 revolver na may dalawang basyo’t tatlong bala, at cash, kabilang anng buy-bust money.
Noon namang Miyerkules ng hapon, dakong alas-3:30, napatay ang suspek na si Donato Masicap sa buy-bust sa Belvedere Subd., Brgy. Paradahan I, Tanza, doon din sa Cavite.
Nakuhaan siya ng walong sachet ng hinihinalang shabu, baril na may tatlong bala’t dalawang basyo, at marked money.
MOST READ
LATEST STORIES