4 huli sa fake dollars

ARESTADO ang apat katao na gumagawa umano ng mga pekeng dolyar sa isang mall sa Quezon City kagabi.
Kinilala ang mga inaresto na sina Bame Jacob, 42, Ogie Oscar Mbang, 48, Tangang Yannick Ndare, 27, at Aly Camara, 33.
Ayon sa mga biktima na sina Nancy Payumo, 40, Peter Telan, 58, at Leonardo Bernardo, 46, ineenganyo sila ng mga suspek na mag-invest sa paggawa ng mga US dollars na nagiging genuine kapag ginamitan ng liquid chemicals.
Noong Abril ay sinampolan umano ng mga suspek ang mga biktima. Isang pekeng US$100 dollar ang nilagayan ng kemikal. Ang naturang pera ay dinala sa isang tao na nagkumpirma umano na totoo ang dolyar at binili ito sa halagang P5200.
Kinumbinsi umano ng mga suspek ang mga biktima na mag-invest sa pamamagitan ng pagbili ng kemikal na nagkakahalaga ng P300,000.
Noong Mayo 16 ng hapon ay nagkita ang mga suspek at biktima sa parking ng Trinoma para sa bayad.
Nagkita sila muli noong Mayo 21 at binigyan ng mga suspek ang biktima ng mga pekeng $100.
Muli silang nagkita kamakalawa sa SM North EDSA para ibigay ng mga suspek ang kemikal. Lingid sa kanilang kaalaman ay humingi na ng tulong sa otoridad ang mga biktima.

Read more...