Aiko, Team Sarimaw kumasa sa ‘Tagasaan Ka’ dance challenge


DAHIL sa init at nanlalapot na ang Team Sarimaw sa taping nila ng Bagani sa Bataan ay pinasaya nila ang sarili habang naghihintay ng “action” ni direk Richard Arellano.

Trending ang video na ipinost ni Aiko Melendez sa kanyang Instagram account habang sumasayaw siya kasama ang Team Sarimaw ng pinausong sayaw ni Vice Ganda sa It’s Showtime.

Pinanood namin ang video at narinig naming may sumigaw ng “actors, actress, taga-saan ka?” na sinagot naman ng grupo ng, “Taga-Bagani”, sabay tugtog at nagsayawan na ang lahat.

Umabot na sa 165,000 plus ang views ng Team Sarimaw video na kalaban naman ng grupo nina Enrique Gil bilang si Lakas. Hinahanap nga namin ang binata kung nasaan siya at kung hindi ba siya sumama sa “Taga Saan Ka” dance challenge.

Aliw ang sayaw ng grupo ni Aiko na hindi rin nagpatalo ang aktres dahil may pa-push up at pa-puwet pa ito. Tawang-tawa naman kami kay Robert Sena na maski init na init sa kanyang costume ay talagang walang patumanggang humiga-higa pa sa lupa habang sumasayaw.

Mukhang naaliw nga ang mga sumusubaybay sa Bagani dahil panalo sa ratings game ang Tuesday episode ng serye na nakakuha ng 32.5 percent nationwide, base sa datos ng Kantar Media.

Samantala, kailangang talunin ni Lakas si Gandara (babaeng nag-iiba ang anyo) para mailigtas na si Ganda (Liza Soberano) sa pagkakakulong nito sa ibang mundo.

Read more...