Stay in o stay out?

ANO nga ba ang mas paborable sa ating mga OFW?

Tiyak akong ang sagot nila diyan ay depende! Kung sino ang tinatanong at ano nga ba ang kaisipan nila hinggil dito.

Oo nga naman. May mga bansa kasi na hindi nagpapatulog sa bahay ng kanilang mga domestic helpers.

Kaya naman, mayroong tatlo o apat na oras silang maglilingkod sa bawat bahay ng employer at kadalasan ay nakakaapat pa nga sila nang pinaglilingkuran sa buong maghapon tulad ng laba, linis at plantsa.

Hindi rin araw-araw na pinupuntahan ang isang amo. Mayroong schedule na MWF lang. Ang iba naman TTHS. Kaya kung susumahin, may walo silang employer sa loob ng isang buwan. Bukod pa sa sideline o kung tawagin nila’y aerobics kapag araw ng Linggo.

Ganyan katindi ang ating mga kababaehang OFW sa ibayong dagat. Talagang sinusulit ang bawat araw, oras at minuto nang kanilang pamamalagi sa abroad. Katuwiran nila, wala naman ang kanilang mga pamilya roon kung kaya’t gagamitin nila ang mga pagkakataon na puwede pang pagkakitaan.

Pero kung malaki ang kinikita ng stay out sa unang tingin, ang katotohanan, wala rin daw halos natitira sa kanilang mga pinaghihirapan.

Bakit nga ba?

Kailangan nilang magrenta ng uupahang apartment, sagot din nila ang tubig at kuryente sa naturang tirahan. Pati pagkain ay sariling gastos at namamasahe pa sila lalo na kung malalayo ang bahay ng mga employer. Bukod pa riyan, palibhasa may sariling apartment, malaya nilang nagagawa ang bawat naisin.

May mga gimik sa gabi bago umuwi. Makikipag-barkadahan muna. Kain sa labas. E di lahat ‘yun gastos.
Kung hindi man kapwa babae ang kasama, makakakuha ng boyfriend at bandang huli patitirahin na rin sa kanyang apartment.

Doble-agad ang gastos nun. May mga lalaki kasing makikitira na lang at para bang mga amo na hindi naman makikihati sa gastusin ng kapwa OFW. Lalong walang natira sa kaniya.

Para naman sa mga stay-in, wala ngang gaanong kalayaan tulad ng mga stay out, hindi rin kalakihan ang kinikita, pero ang totoo, sila ang mga nakakaipon at nakapagpapadala ng malaki-laki sa pamilya.

Libre na kasi siya sa lahat. Tirahan, tubig, kuryente, pagkain at ultimo sabong pampaligo, shampoo at conditioner, minsan nakikikuha pa sa amo. Ang ayaw lang ng marami, bantay-sarado daw kasi sila ni madam o ni sir. Minsan kulang din ang tulog.

Sa mga panahong ito, mahigpit na rin naman ang pamahalaan sa pagpapaalis ng mga domestic workers. Sinisiguro nila na protektado at masusunod ang mga probisyon ng kontrata ng OFW.

Kung may mapagpi-pilian pa rin, gusto ng OFW na stay-in. Pero para sa mga mahilig gumimik at naghahanap ng kalayaan, lalo pa sa ibayong dagat, okay na rin umano ang stay-out kahit sa bandang huli, konti lang ang kinikita nila.

 

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...