TILA naghahabol ng proyekto ang isang city mayor dito sa Maynila sa dami ng mga kalsada na ipinaaayos sa kanilang lunsod.
Sinabi ng ating Cricket na iisang kontratista lamang ang nakakuha ng nasabing proyekto na pag-aari ng pamilya ng kanyang kaibigan.
Noong buwan ng Enero lamang ay pinatibag ni Mayor ang bangketa ng isa sa maituturing na sikat na gimikan sa kanilang lugar.
Natural na ang nakakuha ng kontrata ay ang paboritong kontratista ni Sir.
Ngayon naman ay mga kalye at ilang mga secondary roads ang pinagtitripan ni Mr. Mayor.
Kahit na wala namang sira ang mga ito ay sinimulan na ang pagbakbak ng mga masisipag na tauhan ng sinasabi nating construction firm.
Ipinaliwanag ng ating Cricket na bahagi ito ng pagtanaw ng utang na loob ni Mayor para sa mga taong tumulong sa kanya noong eleksyon.
Bagaman tiyak naman ang kanyang panalo ay nagbigay pa rin ng malaking contribution ang may-ari ng tinitukoy nating construction firm.
Dahil din sa nasabing proyekto ni Mayor kaya naman mabigat ang daloy ng trapiko sa mga kalsada na kanyang pilit na isinailalim sa repair.
Wala rin itong koordinasyon sa MMDA kaya dagdag na parusa ang dinaranas ngayon lalo na ng kanyang mga mismong kababayan.
May balita rin na nakuha ang ating Cricket na balak rin ni Mayor na ipaayos ang mga daanan pati sa loob ng mga public schools sa kanilang lungsod.
Wala namang masama dito pero dapat na ‘yung mga tunay na sira ang dapat na ipinagagawa at hindi ‘yung mga maayos naman na sisirain para lamang muling ipagawa.
Ang city mayor na nahihilig ngayon sa road works ay si Mr. B….as in Bulldozer.