Bihag na engineer pinalaya ng Abu Sayyaf

PINALAYA ng mga kasapi ng Abu Sayyaf ang isang engineer ng Department of Public Works and Highways sa Patikul, Sulu, Lunes, matapos ang mahigit tatlong buwan niyang pagkakabihag.

Pinawalan si Engr. Enrico Nee, ng DPWH Autonomous Region in Muslim Mindanao-District 1, ng mga kidnaper sa isang bahagi ng Brgy. Latih, dakong alas-8 ng umaga, sabi ni Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Armed Forces Joint Task Force-Sulu.

Iniwan umano ng mga bandido si Nee, na dinukot noong Pebrero 14, dahil sa kanyang problema sa kalusugan, ani Sobejana.

Napansin ng mga taga-Latih si Nee kaya inulat ang kanyang presensya sa district engineer, na agad nagpadala ng mga sasakyan para sunduin ang biktima.

Inulat din ito ng district engineer kay Sobejana, kaya sinundo ng huli si Nee tanggapan ng una at dinala ang biktima sa JTF Sulu headquarters sa Jolo, kung saan ito binigyan ng etensyong medikal.

Dinukot si Nee malapit sa kanyang bahay sa Kasalamatan Village, Brgy. San Raymundo, Jolo, habang papasok sa trabaho.

“He recalled that he was cornered by seven heavily-armed men onboard a Tamaraw jeep. He was then brought to the mountainous part of Patikul where a bigger Abu Sayyaf formation was waiting,” ani Sobejana.

Sinabi sa militar ni Nee na tatlong beses nakasagupa ng mga bandido ang mga sundalo noong siya’y bihag pa.

“He said the Abu Sayyaf may have released him because he delays their movement due to his health condition and, probably, the bandits didn’t want him to die due of sickness in their custody,” ani Sobejana.

Patuloy pa ang rescue operation para siyam na iba pang kidnap victim — a Dutch national, Vietnamese, tatlong Indonesian, at apat na Pilipino — na nananatiling bihag ng Abu Sayyaf, aniya.

Read more...