4 bagay na dapat tandaan para iwas hypertension

BUWAN ng Mayo ipinagdiriwang ang World Hypertension Day.

Layunin nito na maipakalat ang kaalaman kaugnay ng nakamamatay na high blood pressure.
May mga simpleng paraan upang makontrol ang pagtaas ng BP ayon sa iba’t ibang pag-aaral.

Yogurt

Ayon sa nailathalang pag-aaral sa American Journal of Hypertension, nakatutulong ang yogurt sa pagpapababa ng high blood pressure.

Pinag-aralan ang 55,000 babae at 18,000 lalaki na mataas ang BP at lumalabas na ang madalas na pagkain ng yogurt ay nakakapagpababa ng panganib na atakehin sa puso ang isang tao.

Bumaba ng 30 porsiyento ang panganib na atakihin sa puso ang isang babae at 19 porsiyento naman sa mga lalaki, nang kumain sila ng yogurt isang beses sa isang araw sa loob ng isang buwan.

Bukod dito, bumaba rin ng 17 porsiyento ang tyansa na magkaroon ng major coronary heart disease o stroke ang mga babae at 21 porsiyento naman ang mga lalaki.

Breastfeed

Sa isinagawang pag-aaral ng mga American at South Korean researchers, lumalabas na ang babae na nagpasuso ay may mas mababa ang tyansa na magkaroon ng high blood pressure kapag siya ay menopause na.

Pinag-aralan ang 3,119 postmenopausal women, na pawang hindi naninigarilyo, at lumalabas na mas mababa ng 10 porsiyento ang tyansa na magka-hypertension ang mga ito dahil sa pagpapasuso.

Kapag mas marami silang anak na pinasuso ay mas bumababa ang tyansa na sila ay magka-hypertension.

Pero mas mababa ang benepisyong nakukuha ng mga babaeng obese.

Sauna

Isa sa pinakamadaling paraan ng pagpapaganda ng blood pressure ay ang regular na pagpunta sa sauna, ayon sa pag-aaral na isinagawa ng University of Eastern Finland.

Matapos pag-aralan ang 1,621 lalaki na edad 42-60 sa nakaraang 22 taon, nalaman ng mga researcher na mayroong magandang epekto sa katawan ang sauna.

Ang pagpunta sa sauna ng dalawa hanggang tatlong beses kada linggo ay nakakapagpababa ng 24 porsiyento ng tyansa na magkaroon ng hypertension ang isang tao.

Mas malaki ang tyansa na bumaba ang panganib na sila ay magkaroon ng hypertension kumpara sa pumupunta sa sauna ng isang beses kada linggo.

Ang pumupunta sa sauna ng apat hanggang pitong beses kada linggo ay mayroong 46 porsiyentong tyansa na hindi magkaroon ng hypertension.

Karne

Sa pag-aaral na isinagawa ng isang grupo ng mananaliksik sa Harvard T.H Chan School of Public Health ang pagkain ng karne o isda na ‘well done’ ang pagkakaluto ay nakakapagpataas ng tyansa ng high blood pressure.

Matapos pag-aralan ang 86,507 babae at 17,104 lalaki sa nakaraang 12-16 taon, lumalabas na ang mga mahilig sa mga pagkain na niluto sa pamamagitan ng pag-ihaw ay nagkaroon ng mas mataas na tyansa na tumaas ang BP.

Ang mga kumakain ng mga pagkain na niluto sa pamamagitan ng grilling, roasting o broiling ng 15 beses kada buwan ay mas mataas ng 17 porsiyento ang tyansa na magkaroon ng problema sa BP kumpara sa mga kumakain nito ng apat na beses lamang.

Ang mga kumakain ng well done ang pagkakaluto ay mas mataas ng 15 porsiyento ang tyansa na tumaas ang BP kumpara sa mga kumakain ng rare ang pagkakaluto.

Read more...