SINONG kumuha ng P400 million sa vault sa loob ng mansion ng mga Ampatuan sa Shariff Aguak, Maguindanao?
Ang sabi ng aking sources sa Camp Crame, mga Army soldiers ang naunang nag-secure ng Ampatuan mansion sapagkat sila ang mga “hari” dahil sa ibinabang martial law sa Maguindanao.
Martial law has since been lifted.
Sa madaling sabi, mga Army troops ang nag-raid sa vault ng mga Ampatuan.
Saan napunta o sino ang humahawak ng P400 million ay hindi pa malaman.
Kung ito’y ninakaw ng government troops, masisisi mo ba ang mga ito samantalang ginagaya lang naman nila ang kanilang mga bossing sa itaas?
* * *
Sa ano mang lenguahe, ang P400 million ay napakalaking halaga. Dagdagan mo pa ng P600 million at ito’y P1 billion na.
Hindi malayo na baka at any one time meron P1 billion o sobra pa sa loob ng vault ng mga Ampatuan.
Ang nawawalang P400 million ay nasa vault lang sa mansion sa Maguindanao. Wala pa roon yung sa Davao City raw, sabi ng aking Camp Crame sources.
Kung totoo ang sinasabi ng aking sources tungkol sa nawawalang P400 million, mabuti nga sa mga Ampatuan.
Nakaw naman o galing sa masama ang perang nawala, kaya’t okay lang na nakawin din sa kanila.
* * *
Ang nangyayari ngayon sa mga Ampatuan ay karma.
Pinagbabayaran na nila ang ginawa nilang kasamaan sa kanilang kapwa.
Umpisa pa lang yung nakawan sila ng P400 million kung totoo man ang report.
* * *
Sumasang-ayon ako na ang ginawa ng mga taga media na dumugin si Andal Ampatuan Jr. nang iharap ito sa Department of Justice noong Biyernes.
Sinasang-ayunan ko si Leila de Lima, chairman ng Commission on Human Rights (CHR), na ang isang akusado, kahit na tiyak ang kanyang pagkakasala, ay may karapatan din.
Pero masisisi mo ba kaming mga mamamahayag kung ganoon na lang ang galit namin sa taong walang awang pumatay sa aming mga kabaro?
Ang kasalanan lamang ng kapwa naming mamamahayag ay gampanan ang kanilang tungkulin na ihayag sana sa publiko ang tunay na mga nangyayari sa Maguindanao nang sila’y pinatay.
Wala pa sa ibang parte ng mundo na pinatay ang ganoong karaming journalists.
Paano na ang mga naulila ng mga pinaslang na aming mga kasamahan?
Oo nga’t dapat objective kami sa pag-cover ng mga balita at dapat ay di kami padadala ng aming damdamin, pero kami’y mga tao lamang.
Hindi kami mga tuod na walang pakiramdam at walang pagmamalasakit sa aming kapwa mamamahayag.
Nagpapasalamat ako at wala ako doon sa Department of Justice. Baka mas grabe kesa sa pagpukpok ng camera sa mukha ang nangyari kay Andal Jr.
Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 122209