NAPAKASAYA ng gabing ‘yun habang magkakaumpukan ang maraming production people ng isang malaking network. Kaarawan ng isa nilang kasamahan, kaya libreng-libre ang kanilang panahon para sa mga chikahan, may kani-kanyang anekdota sila tungkol sa mga artistang nakakatrabaho nila.
Ang dami-daming kuwento, may mga pinupuri silang personalidad, meron ding pinagpipistahan sa mga kalokahan at meron din silang gustong sunugin sa sobrang kaartehan.
Sabi ng isang miron, “Naalala mo nu’ng gawin natin ang isang serye na pinagbibidahan ni ____ (pangalan ng isang popular na aktres)? Di ba, puro wala muna siya sa eksena ang kinukunan natin?
“Kasi nga, e, hindi pa pumapasok sa ATM niya ang talent fee niya, di ba? So, habang wala pa ang TF niya, hindi muna siya nagre-report sa taping! Kaya nga nag-usap ang direktor at ang field cashier na abonohan na lang muna nila ang TF, para maaga ring dumating ang girl sa set.
“Nakakaloka ang babaeng ‘yun! Dumating na siya sa point na hand to mouth ang kadatungan niya. Milyones ang dumaan sa mga kamay niya, sa totoo lang, pero wala siyang naipon!
“Imagine, kailangang bayad muna ang performance niya bago siya dumating sa set dahil wala siyang panggastos! Wala rin siyang sasakyan, kaya hatid-sundo siya ng service ng production. Parang mahirap paniwalaan ‘yun pero totoo!” sabay-sabay na napailing ang mga nakikinig sa kuwento ng source.
Hinding-hindi rin makakalimutan ng isang miron ang isang guwapong young actor na nakasunod nitong bumabaybay sa mahabang pasilyo ng kanilang network. Kilala sa pagiging dugyutin ang young actor, hindi siya marunong mag-alaga ng kanyang katawan, samantalang malaki naman ang kanyang kinikita sa pag-arte.
“Nauuna siya, medyo malayo ako sa kanya, pero bigla siyang humatsing. Kitang-kita ko kung ano ang ginawa niya. Pinahid niya ang ilong niya, tapos, ipinahid din niya ang kamay niya sa wall.
“Nakakaloka! Wala siyang tissue, wala siyang hanky, kaya ipinahid na lang niya ang sipon niya sa dingding ng hallway! Nakita ko siya later, gusto pa niya akong kamayan, ayoko nga!
“E, kung hindi pa siya naghuhugas ng kamay niya na ipinampahid niya sa sipon niya, no way! Sarap niyang ipatapon sa isang town sa isang probinsiya sa South!” parang hilas na hilas na kuwento ng miron.
Bigay na bigay na kung sinu-sino ang dalawang bumibida sa anekdotang ito, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, siguradong alam n’yo na kung sinu-sino sila, promise!