WALANG isyu sa GMA senior reporter na si Jun Veneracion kahit kailan lang siya ginawang anchor ng investigative series na Reporter’s Notebook.
Fifteen years na siya sa GMA News & Public Affairs at markado sa manonood ang huli niyang coverage last May, 2017 ng giyera sa Marawi City.
Si Jun ang kapalit ni Jiggy Manicad bilang co-anchor ni Maki Pulido sa Reporter’s Notebook na napapanood tuwing Huwebes, 11:35 p.m. after Saksi.
Ano naman ang feeling niya sa bagong phase ng pagiging news reporter niya?
“Happy! Napaka-limited ng slots para sa amin. ‘Yung pyramid ba. Pag nandoon sa taas, di ba, ang sikip na niya?” rason ni Jun nang makausap ng press.
Inintriga namin siya nang kaunti, dahil nasa GMA na rin ngayon si Atom Araullo baka kaya natagalan bago siya gumradweyt bilang news reporter.
“Ha! Ha! Ha! Hindi. Atom is Atom of course! When RN was conceptualized, there is no permanent host. Rotated ‘yan sa reporters. Lahat ng nagpi-field, they do stories for RN. Siguro after two years they picked two, Maki and Jiggy. I’ll be coming in as a replacement,” katwiran pa ng bagong anchor.
‘Yun nga lang, unlike ng pinalitan niyang si Jiggy, walang balak pasukin ni Jun ang pulitika. Ngayong isang taon na ang Marawi siege, maghahatid ng latest updates si Jun mula sa lalawigan.