NANANATILING pinakamayamang senador ang negosyanteng si Senador Cynthia Villar, base sa kanyang isinumiteng statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng taong 2017.
Base sa record, tumaas ng P5.2 millyon ang yaman ni Villar o mula sa P3,606, 034,556 noong 2016 ay naging P3,611,260,766 sa taong 2017.
Bagaman nabawasan ng P126 milyon ang kanyang assets , pumangalawa pa rin sa listahan ang Pambansang Kamao na si Sen. Manny Pacquiao.
Mula sa idineklara niyang P3,072,315,030 noong 2016 ay naging P2,946,315,029.93 sa taong 2017 ang kanyang networth.
Pangatlo si Sen. Ralph Recto na nag-ulat ng P538,889 milyon assets para sa nakalipas na taon habang pang-apat sa listahan si Sen. Juan Miguel Zubiri na may yaman na P152,094,252.72 at panglima si Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara na may net worth na P131,765,860.
Pinakamahirap naman si Sen. Antonio Trillanes na may P6,871,743.64 net worth noong 2017.
Ang ikalawa namang pinakamahirap na senador ay si Sen. Leila de Lima na may net worth na P7,944,973.69 milyon na sinundan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na may net worth na P8.502,082.09 milyon.
Ika-18 pinakamayamang senador si Senate President Aquilino Pimentel na may net worth na P18.11 million habang si Majority Leader Vicente Sotto III ay nasa ika-11 puwesto at may net worth na P64.7 million.
Batay sa SALN, si Pacquiao ang may pinakamalaking ibinaba na net worth na sinundan ni Sen. Sherwin Gatchalian na mula sa P92,141,701.14 noong 2016 na naging P88,226,485.77 ang networth sa kasalukuyang taon.
Bumaba rin ang net worth nina Sen. Panfilo Lacson, na mula sa P38,703,615 noong 2016 ay naging sa P36,305,440.90 noong 2017.