P1K dagdag na SSS pension sa 2019 dapat nang ituloy- solons

Naghain ng resolusyon ang mga militanteng kongresista upang tiyakin ng Social Security System na ibibigay nito simula sa Enero ang dagdag na P1,000 sa pensyon ng mga retiradong miyembro nito.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate mahalaga para sa maraming pamilya ang dagdag na P1,000 kaya inihain nito ang House Joint Resolution 22 upang masiguro na maipatutupad ito.

Sinabi ni Zarate na marami ang naapektuhan ng ipatupad ng gobyerno ang Tax Reform Acceleration and Inclusion at tinamaan nito maging ang mga mahihirap na hindi nadagdagan ang kita.

“There is an increasing clamor among the SSS pensioners and their families to immediately implement the 2nd tranche of SSS pension increase to cushion the effects of TRAIN Law and provide social protection to the pensioners,” ani Zarate.

Kasama ni Zarate sa naghain ng resolusyon sina Gabriela Representatives Emmi de Jesus at Arlene Brosas, Anakpawis Rep. Ariel Casilao, ACT Representatives Antonio Tinio at France Castro at Kabataan Rep. Sarah Elago.
Noong 2017 inaprubahan ng Malacanang ang dagdag na P2,000 sa pensyon ng mga retiradong SSS members pero hinati ang pagpapatupad nito at P1,000 muna ang ibinigay.
Ayon sa SSS hihilingin nila sa Malacanang na huwag munang ipatupad ang dagdag na P1,000 sa susunod na taon pero tiniyak na maipatutupad ito bago bumaba si Pangulong Duterte sa 2022.

Read more...