Ika-4 na panalo target ng Columbian Dyip

 

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Magnolia vs Columbian Dyip
7 p.m. NLEX vs GlobalPort
Team Standings: Rain or Shine (4-1); Alaska (3-1); Meralco (3-1); TNT (3-1); Columbian Dyip (3-2); Globalport (2-2); Phoenix (2-2); Magnolia (1-1); Ginebra (1-2); NLEX (1-3); San Miguel (0-2); Blackwater (0-5)

ASAM ng Columbian Dyip na masungkit ang ikaapat na panalo sa anim na laro sa pagsagupa nito sa Magnolia Hotshots ngayong gabi sa 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.
Muling sasandalan ng Columbian Dyip (dating Kia Picanto) ang import na si John Fields na may average na 36.5 puntos, 13.5 rebounds, 3.5 assists at 1.0 blocks sa dalawang laro sa koponan.
Pinalitan niya ang original import ng Dyip na si CJ Aiken.
Sa huling laro ng Columbian Dyip ay dinungisan nito ang dating malinis na karatada ng Rain or Shine sa pagtala ng 104-96 panalo noong isang linggo.
Naniniwala si Fields na patuloy pa ang pag-angat ng Columbian Dyip na sa huling dalawang conference ng liga ay nakapagtala lamang ng
1-21 win-loss record.
“There’s always room for improvement,” sabi ni Fields. “It’s an adjustment period for everybody. I still got to prove to the guys that I’m a guy that can play and help the team win games.”
Galing naman ang Magnolia sa 92-87 panalo sa GlobalPort na tangkang babawi ngayon kontra NLEX sa 7 p.m. main game. —Angelito Oredo

Read more...