Bimby umamin sa feelings kay Julia; may babala kay Joshua

BIMBY YAP, JULIA BARRETTO AT JOSHUA GARCIA

HUWAG na huwag uling sasaktan ni Joshua Garcia ang girlfriend niyang si Julia Barretto dahil tiyak na aagawin ni Bimby sa kanya ang dalaga.

Yes, dear readers diretsong inamin sa amin ni Bimby na crush niya si Julia. Kaya tinanong namin ang bagets kung seryoso siya sa kanyang sinabi.

“Yes! I’m serious!” mataas na tonong sabi ng 11-year old son ni Kris Aquino nang makasama namin ang mag-ina sa pa-dinner ng Queen of Social Media kamakailan.

Bakit mo naging crush at nagustuhan si Julia? “Because she’s so nice, she’s beautiful, she loves her mama very much the way I do with my mom,” mabilis na sagot ng bunsong anak ni Kris.

Ipinaalam namin kung puwede itong isulat at ang sagot ni Kris, “Ask him.” Sabay sabi ng anak, “Yes, you can write it.”

Hindi rin itinanggi ng bagets na nu’ng nalaman niyang nagkatampuhan ang dalawa dahil sa isang female supporter ni Joshua ay nagkapalitan sila ng mensahe sa social media na may kakaibang ibig sabihin.

“I hope he wouldn’t do that again to ate Julia,” sabi pa ni Bimby.

Base sa obserbasyon namin kay Bimby ay protective siyang lover dahil ayaw na ayaw niyang nasasaktan ang babae tulad din sa mama niya na parati niyang sinasabi na ayaw niyang nakikitang umiiyak o nalulungkot kaya nga lagi niya itong pinapasaya.

At daig pa ni Bimby ang PSG (Presidential Security Group) ni Kris noon dahil bukod sa 24 hours siyang nakabantay sa nanay niya ay close-in pa at laging naka-kiss.

Nakakatawa pa dahil indirect na nabanggit ni Bimb na hindi raw makikialam ang mama niya sa pagpili ng magiging girlfriend.

Dahil ang katwiran ni Kris, “So that I have all the right to bash her if she will hurt my son.”

Kung puwede lang sanang kunan ng video ang sagutan ng mag-ina na kung saan-saan na napunta ang kanilang usapan, tiyak na magiging viral din ito tulad ng unang interbyuhan nila ng anak sa isang webisode ni Kris.

At kahit na may suot na earphone si Bimby habang naglalaro ay nakikinig din pala siya ng mga tsikahan namin ng kanyang nanay dahil bigla na lang siyang nakikichika. “Tsismoso ‘yan, eh. Kaya ayaw pa niyang matulog,” saad ng Queen of Online World.

Ang nakakatuwa, kontrolado na ni Kris ang pagkataklesa dahil napipigilan na niya ang sarili kapag may mga gustong ikuwento, pero si Bimby ay hindi mapigilan hanggang sa pinagsabihan na siya ng ina at in fairness, masunurin naman ang bagets, “Okay mom, I’ll be quiet now.”

Sana may mag-alok na talk show sa mag-ina dahil naniniwala kaming tatalunin ni Bimby si Kris sa rami ng alam nitong tsika outside and inside showbiz. At naniniwala kaming maraming advertisers na papasok sa show nila, ano sa tingin mo bossing Ervin? (Naku, Reggs sure na sure yan! – Ed).

Read more...