Bet, anak mo may ’screen time syndrome’?


MADALAS bang magbabad o adik na sa kanyang mga gadget tulad ng smartphone, tablet at iba pang uri nito ang iyong anak?

Kung oo ang sagot mo, malamang o sa hindi ay kinakailangang disiplinahin na ang iyong anak sa paggamit ng kanyang mga gadgets, dahil malamang meron na siyang tinatawag na “screen time syndrome”.

Hindi maiiwasan na tumutok sa kanilang gadget ang mga bata ngayon dahil naging parte na ito ng kanilang buhay dahil na rin sa dikta ng makabagong teknolohiya, sa ayaw man o sa gusto natin.

Kaya naman dapat na malaman ng mga magulang kung kailan at hanggang saan ito dapat gamitin.

At hindi man sinasadya ng ilang magulang na hayaan ang kanilang mga anak na masanay sa paggamit ng mga gadget may negatibo o masamang epekto pa rin ito sa kanila.

May lumabas na kasing mga pag-aaral na ang sobrang screen time ay nakakasira ng utak lalo na sa mga bata.

Narito ang ilang mga paalala para makaiwas ang iyong anak na maging biktima ng screen time syndrome:

1. Turuan ang iyong anak na maghintay

Hayaan ang iyong anak na matutong maghintay bago makagamit ng kanyang gadget kahit na bagot na bagot na siya. Itinuturo nito ang kasabihang ‘patience is a virtue.’

Isa itong mabuting paraan para maging malikhain sila. Dahan-dahan ding dagdagan ang kanilang paghihintay bago makagamit ng kanilang gadget. Iwasan din ang paggamit nito loob ng sasakyan o restaurant. Imbes na gumamit ng gadget makipagkuwentuhan at makipaglaro sa iyong anak.

2. Bigyan ng limitasyon ang iyong anak

Magtakda ng oras para sa pagkain, pagtulog at paggamit ng mga gadget.

Isipin mo rin kung ano ang makakabuti sa kanila dahil darating ang araw na pasasalamatan ka nila sa kabutihang naituro mo sa iyong mga anak. Limitahan din ang kanilang madalas na pagmemeryenda.

3. Turuan ang iyong anak na gawin ang ’boring’ na mga gawain

Turuan silang magsalansan ng bagong labang mga damit; mag-ayos o magtabi ng kanilang mga laruan at gamit; mag-ayos ng hapag kainan bago kumain, at turuan sila ng iba pang mga gawain sa kusina. ‘Yung sinasabing mga “boring” na gawain ay makakasanayan din at labis itong makatutulong sa kanila.

4. Maglaan ng oras para sa kasayahan kasama ang iyong anak

Baka naman ikaw pa ang pasimuno sa walang humpay na paggamit ng mga gadget kahit sa oras na ng pahinga o habang kaharap ang mga anak o pamilya. Aba’y baguhin na ito at magsilbing huwaran sa mga anak.

Makabubuting sabayan ang mga anak, hindi sa paglalaro ng kanilang gadgets, kundi sa pagbabasa.

Mainam din na makipaglaro sa mga anak ng mga outdoor o indoor games na hindi gagamitan ng smartphones, tablet o computer. Hikayatin sila na gumawa ng mga physical activites gaya ng pagbibisikleta o pagjo-jogging.

O kaya naman makipagsayawan sa mga anak mo sa saliw ng mga paborito nilang tugtog. Magluto ng pagkain kasama sila; magsagawa ng family game night o kaya ay treasure hunt sa loob ng inyong bahay. Makipagkuwentuhan sa kanila, maglakad kapiling sila at mamasyal kasama ang iyong anak.

Read more...