Mr. Secretary nakatikim ng mura kay Digong

USAP-USAPAN ngayon na isa pang Kalihim ng isang departamento ang sisibakin ni Pangulong Duterte dahil sa patong-patong na kontrobersiya na kinakaharap ng kanyang mga nasasakupan.

At bago nyo hulaan kung sino ang susunod na tatanggalin sa puwesto matapos ang pagkakaalis kay dating Tourism secretary Wanda Teo, da who muna ang opisyal na nakatikim ng mura at sigaw kay Digong dahil sa kaliwa’t kanang mga sablay ng kanyang liderato.

Balitang-balita na mismong sa Davao City nangyari ang pag-init ng ulo ni Pangulong Duterte at hindi na napigilan na murahin si Mr. Secretary.

Saksi mismo si Special Assistant to the President (SAP) Christopher “Bong” Go nang masampulan si Mr. Secretary ng galit ni Digong.

Galit na galit si Digong dahil sa malaking kontrobersiyang kinasasangkutan ng ahensiyang pinamunuan ni Mr. Secretary.

Ang siste, gusto pang maghugas-kamay ni Mr. Secretary na lalong ikinapuyos ni Digong.

Hindi nga naman kapani-paniwala na walang alam at nalulusutan si Mr. Secretary lalo’t napakalaki ng halagang pinag-uusapan.

Ang ending lalo lamang nagalit si Pangulong Duterte sa opisyal.

Matapos ang insidente, parang walang nangyari sa opisyal at kasama pa si SAP Bong Go sa isa sa mga aktibidad.

Ang malala pa nito, isa-isa pang lumalabas ang mga kontrobersiya sa kanyang mga nasasakupan na inaasahang lalong ikagagalit ni Digong.

Kabilang sa mga lumabas na ay ang milyong-milyong pondo na ginamit para sa mga umano’y benepisyo ng mga opisyal na nasa ilalim ng kanyang nasasakupan.

Inaasahang puputok na rin ang report ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng daan-daang milyong pisong ginastos ng kanyang departamento na hindi maipaliwanag.

Balik tayo sa susunod na sisibaking Kalihim, posible kayang ang opisyal na nakatikim ng mura kay Digong ang kanyang tinutukoy na isusunod nang alisin?

Ang problema nga lang, napakalakas ng backer ni Mr. Secretary kayat hindi masibak-sibak kahit kaliwa’t kanan na ang kapalpakan simula pa lamang ng kanyang panunungkulan.

Abangan natin kung uubra pa rin ang backer ni Mr. Secretary.

Read more...