Alice biglang nawala sa Probinsyano, problema ng produksyon


WALANG alam ang mga manonood kung ano ang nagaganap sa likod ng mga camera, ang alam lang nila ay kung ano ang kanilang napapanood, hanggang du’n lang sila.

Maraming nagtataka kung bakit biglang nawawala na sa Ang Probinsyano si Alice Dixson na gumaganap na misis ni Edu Manzano at kunsintidorang ina naman ni JC Santos.

Tanong ng isang regular na tumututok sa matagumpay na serye, “Bakit ganu’n? Kung kailan naman kailangang-kailangan ni JC ang mommy niya dahil sa pagkakalabuan nila ni Alyanna, e, saka nawala si Alice?

“Di ba, spoiled sa kanya si JC, pero bakit naospital ang anak niya, e, ni hindi man lang siya dumalaw sa ospital? Saka hindi na siya kasali sa maraming eksena?

“Patay na ba siya, pero inililihim lang sa kuwento? Bakit bigla na lang siyang nawala kung kailan kailangang-kailangan siya ni Marco?” pang-uurirat ng regular na tagapanood ng Ang Probinsyano.

Naging malaking problema ng produksiyon ang biglaang pag-alis ni Alice Dixson. May ginagawa silang pelikula ngayon ni Aga Muhlach sa ibang bansa.

Natural, apektado ang istorya ng serye dahil dapat sana’y maraming eksenang pagsasamahan ang aktres at si JC Santos, lalo na’t marami nang twist sa kuwento.

Ginamot na lang ng mga writers ang biglaan niyang pag-alis dahil mas binigyan niya ng prayoridad ang pelikula nila ni Aga sa ibang bansa.

Sabi nga ng isang taga-Dos na nakakuwentuhan namin, “Madaling gawan ng paraan ang ganyan, magagaling ang mga writers, kaya hindi makapagmamalaki ang mga artista.

“Ibang klase rin naman si Alice, tumatanggap siya ng work, pero iiwanan din naman pala niya ng paganyan lang!” komento ng aming source.

Read more...