SIGURADONG maraming mai-inspire sa bagong talk show ng singer-TV host na si Neo de Padua o mas kilala sa mundo ng showbiz bilang si Kuya E.
Kahapon (Sabado) nagsimula ang RYTS o Rule Yourself To Success (4 to 5 p.m.) sa Net25 at Eagle Broadcasting Corp., produced by Big Eyes Production, kung saan nakachikahan niya ang Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha.
Si Kuya E ay isa ring kilalang motivational speaker, at aniya, nabuo ang programang RYTS dahil sa ginagawa rin niyang pagtulong sa mga kapuspalad nating mga kababayan. Ito raw ang kanyang “way of inspiring and spreading love to people from all walks of life.”
Nagsimula ang pagiging TV host ni Kuya E sa travelogue na Only In Pinas sa Net25. Aniya, ang yumaong matinee idol noon na si Rico Yan ang unang tumawag sa kanya ng Kuya E (Ernie ang tunay niyang pangalan) noong ginagawa nila ang pelikulang Got To Believe.
Nagkaroon din siya ng sariling album with original songs from Vehnee Saturno, kabilang na ang “Ako’y Nangarap”, isang inspirational song tungkol sa pagtupad ng mga pangarap. Sinundan pa ito ng kanyang major concert na “Miracle, Music and Love” sa Music Museum last December.
Dahil sa tagumpay nito, magkakaroon ng repeat ang “Miracle, Music and Love” sa Sept. 18. “I’m so grateful kasi akala ko hindi namin mapupuno yung venue. Pero awa ng Diyos, ang dami talagang nanood,” sabi ni Kuya E nang humarap sa entertainment press sa mediacon ng “RYTS”.
Dito rin naikuwento ni Kuya E na noong 2006, na-diagnose siya ng stage 3 colon cancer pero naka-survive siya sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na gamutan at sa food supplement na C24/7. Dahil dito, nagtayo siya ng sariling multi-level marketing company para ipakilala sa madlang pipol ang C24/7, mula sa Nature’s Way (Utah) na siyang naging susi sa kanyang pagyaman.
Going back to RYTS, after Lani Misalucha, abangan ang iba pang special guests ni Kuya E sa mga susunod pang episode ng kanyang talkshow tulad nina Dina Bonnevie, Gladys Reyes, Lloyd Samartino at iba pang personalidad mula sa iba pang larangan.
“When you watch the show, marami kayong mapupulot na nuggets of wisdom on how you can be successful yourself in our interview portions, ‘Shine Bright Like a Diamond’ and ‘All About Success,’” ani Kuya E. Dugtong pa niya, “We also have segments like E-Balance with health professionals sharing their knowledged about wellness issues and Tulong ni Kuya E where we’ll extend charity work to people in need all over the country.
“In the future, sana ma-invite ko rin sa show si Mader Ricky Reyes na very inspiring din ang success story, saka sina Gloria Romero, Eddie Garcia and Nova Villa na mga hinahangaan ko sa tagal nila sa industry,” sabi ni Kuya E.