HI po maam,
Magandang hapon po sa inyo. Nais ko po lamang na idulog ang aking problema po sa pension ng aking anak.
Ang father po ng anak ko na si Gerardo Aguada ay namatay po noong July 11, 2014. May SSS# 33-309… Ang SSS pension po ng anak namin ay na hold din po dahil micro settled daw po eto dahil may claimant din po na anak ng partner ko. Nakapag- pension po ang anak ko ng isang taon. Tapos bigla po nilang pinutol yung monthly pension ng anak ko dahil daw po nag file din yung dalawang anak ng partner ko.
June 2016 pa po sinimulang hndi makapag-pension ang anak ko, at hanggang ngayon ay wala pa rin maliwanag na paliwanag ang SSS. Basta ang sabi lang po nila ay naka micro settled daw po ito.
Naiintindihan ko naman po kaso ang problema po pag tinatanong ko po kung kailan ulit magre-resume yung pension ng anak ko ay wala po silang maisagot sa akin.
Kailangan din po namin yung pension ng anak ko dahil pambayad din po ng tuition nya. Solo parent lang po at ako wala ibang pagkukuhanan. Kahit man lang po sana yung pension niya ay malaking tulong yun na pang tuition ng bata na seven years old pa lang.
Sana po mam matulungan ninyo ako.
Maraming salamat po at pagpalain po kyo ng Poong Maykapal.
Lubos na Gumagalang,
Mary Jane Tabornal
….5676
REPLY: Ito ay bilang tugon sa sulat ni Gng. Mary Jane Tabornal kung saan itinatanong niya kung bakit natigil ang pagtanggap ng pensyon ng kanyang anak mula sa pagkamatay ng ama nitong si Gerardo Aguada.
Nakipag-ugnayan kami sa aming Pensions Processing Center, at ayon sa kanila kinailangan nilang itigil ang pagbabayad ng pensiyon sa inyong anak habang binabayaran ang dalawa pang anak ng miyembrong si G. Aguada.
Noong mag-umpisang tumanggap ng pensiyon ang anak ni Gng Tabornal, siya lamang ang binabayaran ng SSS. Kung naireport kaagad na mayroon pang dalawang anak si G. Aguada, sa simula pa lamang sana ay nakompyut na ang hatian ng tatlong bata sa pensiyon.
Nang mag-file din ng claim para sa pensiyon ang dalawa pang anak ni G. Aguada, kailangan namin silang bayaran din ng pensiyon na sa katunayan ay naibayad namin sa anak ni Gng. Tabornal. Dahil sa kailangang mabawi ang overpayment na nagawa sa anak ni Gng Tabornal, itinigil muna ang pensiyon niya at sa dalawang pang bata ito ibinayad. Gagawin ito hangga’t maabot na ng SSS ang panahon na parepareho na ang natanggap na pensiyon ng tatlong bata.
Noong Disyembre 2017, nagkapare-pareho na ang natanggap ng mga bata na pensiyon kung kaya’t sa ngayon pinoproseso nang muli ng SSS ang claim para sa kanila. Ang bawat bata ay makakatanggap ng pensiyon mula sa SSS hanggang dumating sila sa edad na 21.
Makakatanggap si Gng. Tabornal pati na ang guardian ng iba pang bata ng notice mula sa SSS kapag ang pensiyon para sa mga bata ay nare-processed na.
Sana ay nabigyan namin nang linaw ang inyong katanungan.
Salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.
Sumasainyo,
May Rose DL Francisco
Social Security
Officer IV
SSS Media Affairs
Department
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.