Ate Guy nakaranas din ng matinding depresyon tulad nina Sarah at Vice


TULAD nina Sarah Geronimo, Vice Ganda at iba pang sikat na celebrities, na-experience rin ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ang matinding depresyon at ang usung-uso ngayong termino sa showbiz na “emptiness”.

Ayon kay Ate Guy, normal lang sa isang tao, lalo na ang mga artista na makaranas ng depression, matinding kalungkutan at ma-burnout dahil sa klase ng kanilang trabaho. Nakachika ng ilang miyembro ng entertainment media si Ate Guy matapos siyang pumirma ng program contract sa GMA Network kamakalawa.

“Oo naman, ilang beses ko nang na-feel yung ganyan. Pero ‘yung grabeng depression, matagal na yun, nu’ng nawala yung tatay ko na unang-unang nawala sa akin, e, mahal na mahal ko yun, e,” pag-amin ng Superstar.

Dugtong pa niya, “Siguro dahil na rin sa tagal ko sa showbiz, sa umpisa pa lang, nagkaroon na ako ng mga problema tungkol diyan sa loob ng showbusiness, ngayon pa ba ako susuko? Hindi pwede, kailangan lumaban ka pa rin, kahit anong mangyari.

“Kahit sinong tao, may karapatang lumaban. Hindi dapat sumuko anumang bigat yung dinadala,” aniya pa.

Natanong din ang award-winning actress kung ano ang nagpatatag sa kanya at hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang lumalaban sa buhay, “Ang nagpatatag sa akin, yung kahirapan po namin, dahil sa magkakapatid, ako lang ang talagang nagkaroon ng isip o plano na kailangan kong maiangat yung pamilya ko sa kahirapan.”

Samantala, tungkol naman sa isyu ng paghirang sa kanya bilang National Artist, hanggang ngayon ay tila mailap pa rin ito sa Superstar.

“Noong una pa, nu’ng iba pa yung president natin, ni minsan yung pagiging National Artist, hindi ko talaga inisip ‘yan, e. Kasi ang sa akin, kung para sa ‘yo ang isang bagay at talagang iniloob ng Diyos, talagang ibibigay sa ‘yo, kahit anong mangyari.

“So, hindi niloob noong mga nakaraang taon, so hindi pa rin tayo sigurado kung ibibigay sa atin, walang kasiguraduhan. At sa palagay ko naman, may mga iba pang mga artista na kinakailangan, yung mga nauna sa akin, na siguro mas karapat-dapat na bigyan ng National Artist award na hindi lang natin nakikita yung kanilang ginawa na kontribusyon,” paliwanag pa ni Ate Guy.

Anyway, nagpapasalamat naman si Ate Guy sa GMA 7 dahil hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang pinagkakatiwalaan at binibigyan ng trabaho. Siya ang bibida sa bagong primetime series ng GMA na siguradong tututukan ng buong pamilya.

“Napakasaya ko dahil binigyan ako ng pagkakataon ng Channel 7 na magkaroon ako ng bagong show. Masaya kami sa set, para kaming magkakapatid. Talagang pamilya po kami, nagtutulungan at yung mga ginagawa namin, isinasapuso namin lahat,” pahayag ng Superstar.

Nagsimula na siyang mag-taping para sa nasabing Kapuso series na magsisimula na sa June. Hindi pa niya alam kung ano ang magiging final title ng serye pero posibleng ito ang pumalit sa Kambal, Karibal na balitang extended uli dahil sa mataas na rating.

Read more...