PASKO na, sinta ko. May regalo ka ba? O ako na lang ang magreregalo sa iyo. Exhange gifts na lang tayo. Meron ba tayong exchange gifts? Sige maghahanap tayo. Bakay may mahanap pa tayo. Marami pa naman diyan. Malawak naman ang Metro Manila.
Di bale nang wala tayong Christmas party. Yung mayayamang kompanya nga, ipinagpaliban nila ang kanilang Christmas party. Para may pamasko ang mga biktima ni Ondoy. Kung sila nga, nagsakripisyo para sa kapwa nila. Siguro naman, kahit tayo ganito, puwede din tayong magsakripisyo para sa kapwa natin. Kahit di tayo nila kilala at nakikita lamang kapag tayo’y nagagawi sa kanilang paligid. Sa kanilang karangyaan. Kahit di nila tayo pinapansin. Papansinin nga ba nila tayo? Sa palagay ko’y wala tayong halaga sa kanila. Pero, sila ay may halaga sa atin. Siyempre, kahit paano, nabubuhay tayo sa kanila. Nabubuhay din kaya sila sa atin, sa katiting na ating iniaambag para sa kapaligiran, kahit mababa ang tingin nila sa atin?
Pero, hayaan mo na. Basta mahal kita at mahal mo ako. Puwede na yan sa Pasko. Magandang regalo na sa atin yan sa Pasko. Tingnan mo, kung wala yang pagmamahal na yan, tatagal ba tayo sa pamumuhay at paninirahan sa kariton?
BANDERA Editorial, 122109