DINAOT. Ganu’n kung ilarawan ng mga magkakaumpukang taga-showbiz ang buhay at karera ng isang pamosong male personality. Hinayang na hinayang ang grupo sa inabot niyang indulto.
Dati nang hindi masyadong disiplinado ang pagdedesisyon ng aktor, pero kakaiba ang nagaganap sa kanya ngayon, parang itinapon na lang niya nang basta-basta ang lahat ng kanyang pinaghirapan sa loob nang ilang dekada.
Kuwento ng isang miron sa grupo, “Walang pinakinggan ang taong ‘yun. Napakarami nang kumausap sa kanya para payuhan siya na nakapanghihinayang ang career niya, pero ngayon lang nangyari ang ganitong pangdededma niya kahit sa mga pinaka-close sa kanya.
“Super-close sila ng isang executive na nag-aalaga sa career niya, ‘yun ang takbuhan niya kapag may mga problema siya, pero pati ang taong ‘yun, e, walang nagawa sa kanya.
“Habang magkausap sila, e, feel na feel ng nasa kabilang line ang kawalan niya ng interest sa mga sinasabi nu’ng executive. As in, parang walang kausap ‘yung tao.
“Hinayang na hinayang na kasi sa kanya ang mga taong nagpalaki ng name niya, sayang na sayang nga naman kasi ang mga nangyayari ngayon, nang dahil lang sa pag-ibig, e, nagkakaganyan na siya?” kuwento ng aming impormante.
Kahit ang pamilya ng pamosong aktor ay sumuko na rin sa pakikipag-usap sa kanya. Bago pa marinig ng mga ito ang madalas sabihin ng aktor na pagod na pagod na siya ay tumigil na sila sa pakikipagkomunikasyon.
“Wala ring nagawa pati ang mga mahal niya sa buhay, sumuko na rin sila, dahil baka makarinig pa sila ng mga salitang hindi nila malulunok. Pinabayaan na lang siyang magdesisyon, tutal naman, e, lampas-lampas na siya sa edad para malaman niya ang mga tama at mali.
“Hanggang sa payo at panghihinayang na lang ang magagawa ng mga taong nagmamalasakit sa kanya. Tingnan na lang natin kung hanggang kailan niya makakayang panindigan ang mga ginagawa niya ngayon.
“Tumodo siya this time, pero may tatak siyang masawain. Tingnan natin kung hanggang kailan siya magkakaganito,” pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kailangan n’yo pa ba ng clue, d’yan kayo magaling, di ba? D’yan!