Manila Water nagbabala ng water interruption dahil sa kritikal na lebel ng La Mesa Dam 

NAGBABALA ang water concessionaire na Manila Water ng posibleng mawalan ng tubig matapos namang bumaba ang lebel ng La Mesa Dam sa kritikal na lebel na 72 metro.

“Baka magkaroon talaga ng water interruption, baka ‘yong non-peak hours, baka mawalan ng tubig.  Ayaw nating umabot sa gano’n, kaya inihahanda natin ‘yong mga deep wells na hindi natin ginagamit dati, naka-stand by yan,” sabi ni Manila Water Corporate Communications Head Jeric Sevilla sa isang panayam ng Radyo Inquirer.

“Ang karinawan na level na mine-maintain natin dito ay nasa 78 or 79 meters, pero sa kasalukuyan ang level natin ay medyo 72 meters,” dagdag ni Sevilla.

Sinabi ni Sevilla na kabilang sa mga unang tatamaan ng kawalan ng suplay ng tubig ay East La Mesa treatment plant, na kung saan sakop nito ang mga matataas na lugar kagaya ng Marikina, Montalban, at San Mateo.

Idinagdag ni Sevilla na nagbawas na ang Manila Water ng water pressure sa mga apektadong lugar.

Idinagdag ni Sevilla na maaari ring maapektuhan ng kawalan ng tubig ang Pasig at Taguig.

“Kaunti na ang pumapasok na tubig sa (East La Mesa) treatment plant.  Meron pa silang tubig 24/7 pero mas mahina na ang pressure kumpara sa natatanggap nila,” sabi pa ni Sevilla.

Siniserbisyuhan ng Manila Water ang  6.8 milyong residente sa east zone ng Metro Manila o tinatayang isang milyong koneksyon.

“Talagang shared responsibility ito na dapat from their (customers) side as well, dapat mas gamitin ng tama (ang tubig),” ayon pa kay Sevilla.

Sinabi naman ni Sevilla na nananatili pa ring normal ang lebel ng tubig sa Angat Dam.

’Yong supply na nakukuha natin mula sa Angat (Dam) na 1,600 million liters per day, ngayon ang production natin medyo sobra na ‘don eh.  Mas malaki ang demand ngayon kumpara dati, idagdag pa natin ang temperature ngayon medyo mataas, tapos wala pa tayo sa tag-ulan,” ayon pa kay Sevilla.

“It is just that yong supply natin, minamaximize natin, hindi lang sa manila water, pati rin sa kabila, talagang napakataas na ng demand,” aniya.

Read more...