SINUSULAT ko ang sumusunod kahit na ayaw ng maraming miyembro ng pamilya Tulfo.
I just want to set the record straight.
Sabi ng ibang miyembro ng pamilya ay dapat tumahimik na lang tutal naalis na si Wanda bilang secretary of Tourism at mamamatay na rin ang istorya.
Pinayuhan kami ng Pangulong Digong na huwag nang magsalita sa media.
Pero humihingi ako ng paumanhin sa Presidente na ako ay magsasalita bilang pinakamatanda sa magkakapatid na Tulfo.
Ang mga magkakapatid na Tulfo ay may sinusunod na hierarchy system na parang sa military: ang nakakatanda ay mas mataas ang ranggo sa nakakabata at sinusunod ito ng mga mas bata sa kanya.
Ako ang panganay sa magkakapatid na 10.
Noong mamatay ang tatay namin noong 1985, ako na ang pumalit sa kanyang puwesto at naging ama sa magkakapatid.
***
Hindi ko sinusulat ito upang mawala ang sisi kay Wanda sa buong pangyayari.
Sinabi ko na I just want to set the record straight. Gusto kong mapakinggan ng taumbayan kung ano ang nasa likuran ng buong pangyayari.
Ang unang pagkakamali ni Wanda ay hindi siya kumuha ng mga magagaling na tauhan sa kanyang immediate staff na magpapayo sana sa kanya bago siya lumagda ng kontrata sa PTV4, kung saan ang aking isang kapatid na si Ben ay blocktimer.
Ang blocktimer ay hindi organic member ng PTV4; siya’y nagbabayad ng airtime sa network.
Walang kaalam-alam si Wanda na makukuha ni Ben ang lion’s share, ‘ika nga, ng P60 million na ibabayad ng DOT sa PTV4.
Si Ben ay isang pasaway. He suffers from a “middle child” syndrome, isang bata na gusto ng atensiyon dahil akala niya ay hindi siya nabibigyan nito.
Ben is fifth from me and Wanda is the fourth.
Kung ginamit ni Ben ang kanyang utak, dapat ay hindi niya tinanggap ang alok ng PTV4 na lagyan ang kanyang programang Kilos Pronto ng malaking commercial.
Ito’y conflict of interest dahil siya at si Wanda ay magkapatid.
Kahit na hindi alam ni Wanda, ang aakalain ng mga tao ay kasama siya na nakinabang sa pera na napunta kay Ben.
Hindi dininig ni Ben ang aking pakiusap sa kanya nang pumutok ang iskandalo na akuin niya ang kanyang pagkakamali, na walang kinalaman si Wanda sa ginawa niya.
Alam n’yo ba ang sinabi niya sa kanyang panganay na kapatid? “F…k you! Don’t treat me like a child.”
Itong si Wanda, bilang nakakatanda, ay nag-attempt na protektahan si Ben kahit alam niyang mapapahamak siya.
Yun na nga ang nangyari nang siya’y masibak bilang tourism secretary.
Ito namang bayaw ko na si Bobby Teo, esposo ni Wanda, ay isa ring pasaway!
Nang mahirang siyang tourism secretary, nakalimutan niya na si Bobby ay director ng board ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (Tieza), na isang ahensiya ng DOT.
Dapat sana ay nagbitiw naman itong si Bobby bilang board member ng Tieza nang na-appoint si Wanda at matapos din siyang ma-appoint sa Land Bank.
Tuloy, nagmukhang nepotism ang ginawa ni Wanda na wala naman siyang kaalam-alam.
Napakaraming inaasikaso ng aking kapatid sa DOT upang mapansin na right in her backyard ay may anomalyang nangyayari na kinasangkutan ng kanyang esposo.
Balik tayo kay Ben. Isa siyang black sheep sa pamilya.
Pero anong malaking pamilya na walang black sheep?
***
Ang pangalawang pagkakamali ni Wanda ay pagkuha niya kay Ferdinand Topacio bilang kanyang legal counsel.
Napakadaldal ni Topacio. Masyado siyang mapapel at walang katuturan ang kanyang pinagsasabi.
Di man lang kami kinonsulta nang kunin niya si Topacio.
Sinabi ni Topacio na isosoli ng Tulfo brothers ang perang nakuha ni Ben sa advertising contract.
Wala naman kaming sinabing ganoon.
Paano ko isosoli ang pera na hindi ko naman kinuha?
Ano naman ang ibabayad ko!
Ganoon din ang sinasabi nina Erwin at Raffy.
By the way, si Erwin ay isang talent lamang sa PTV4 at hindi kasali sa kumpanya ni Ben.
***
Dapat ay purihin si Digong sa kanyang pagsibak kay Wanda.
Kailangang mangibabaw ang loyalty niya sa bayan at hindi sa mga kaibigan o kamag-anak.
Meanwhile, susuportahan ko si Wanda sa kanyang fight to exonerate herself from the controversy, pero hindi si Ben.