Bistek, pang-receive na lang ba?

PANG-receive na lang ba ang opisina ni Bistek sa Quezon City Hall ng mga reklamo’t kahilingan ng mahihirap na residente?
Ngayon bang muli kang nanalo bilang al-kalde ng mayamang Quezon City ay balewala na ang pangangailangan ng mahihirap? Magno-novena kami, huwag naman sana. Noong Oktubre 5, 2012, nagpadala ng liham ang Kalasag Homeowners Association, Inc., hinggil sa lubak-lubak na secondary road sa Empire Alternative, na galing Montalban at Payatas.

Simple lang ang hiling ng mga botante mo: Ayusin ang lubak-lubak na kalye’t drainage system; at ang creek na galing sa Phase 1 Groups 5 at 6 ay parang ilog na. Kung ayaw itong aksyunan ni Bistek, sana naman ay maawa sina Vice Mayor Joy Belmonte, Rep. Winston Castelo, at Precious Castelo, Rannie Ludovica, Roderick Paulate at Atty. Bong Liban. Hindi pambansa ang problema ng mahihirap dito, pero kapag ganitong pinababayaan na ang mga botante pagkatapos pakinabangan, ay hindi dapat magmalaki ang mga opisyal na sila’y kinatawan ng taumbayan sa napakayamang lungsod.

Kung si Carlos Celdran, ang nagbitbit ng karatulang “Damaso” sa harap ng Misa ng mga pari, nga ang magiging hepe ng turismo sa Maynila ni Erap sa Hulyo 1, kailangang pabalikin niya ang mga turista, na noon ay nakikitang gumagala sa Ermita, Malate, at lalo na sa Luneta at Fort Santiago. Ang ipinagyayabang kasi ng Department of Tourism, lagpas apat na milyon turista na ang dumating sa bansa. Ni isa ay walang nakita sa Luneta.

Hindi magtatagumpay ang relocation plans ng gobyerno para sa mga squatter kung walang community development program. Maniwala sana ang mga nagmamagaling sa sinabi ni Sen. Manuel Villar.

Sinabon ni Pangulong Aquino ang mga opisyal ng National Irrigation Administration dahil sa ngawa, at walang gawa. Hindi gagawin ito ni Aquino sa Land Transportation Office (walang plaka, walang sticker) dahil ang tatamaan ay ang Department of Transportation and Communication. Ang mga pinuno ng DOTC ay kabilang sa KKK.

Ngayong wala nang drug test para sa mga driver na naga-apply at nagre-renew ng lisensiya, dapat malaman ng 28
milyon tsuper kung sinu-sino ang kumita sa napakamahal (P300) na drugs test, na nagkakahalaga lamang ng P50 (drug test kit).
Dapat kasuhan ang mga kumita, bata man ang mga ito ni Gloria Arroyo o ng administrasyon ngayon.

Ang panghoholdap sa bahay ni Judge Nora Eduardo, 63, sa Sikatuna Vilage, Quezon City habang may garage sale siya ay patunay na magagaling lang ang mga pulis-QC sa Code 2, ang tawag nila sa kikilan at kotongan. Ang Sikatuna Village ay malapit sa Camp Karingal, ang headquarters ng QC Police District. Kung nagpapatrolya lamang ang nakamotor na SWAT ay di sana naholdap ang retiradong huwes.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Kuya Lito, grabe talaga ang mga guwardiya sa NAIA 2. Kinikikilan nila ang mga OFW. Kahit merong closed-circuit television camera rito. …3271

Sa mga lugar na madalas bahain, mga mayor at barangay captain ang dapat sisihin dahil sila ang nakaaalam kung sinu-sino ang binabaha.
Ngayong tapos na ang eleksyon at napakinabangan na ng mga nanalo, sino ngayon ang mga walang hiya? …0252

Sir Lito, dito sa LTO Batac, Ilocos Norte, kapag kumuha ka ng insurance sa sasakyan sa di itinuro ng napagtanungan mo, sisingilin ka ng P20 at walang resibong ibibigay. …0956

Sino ba ang makatutulong sa mga magsasaka sa Mindanao? Bakit napakamura ng presyo ng niyog, palay, mais, atbp.? Pero, ang bigas ay napakamahal. …3199

Read more...