TINAPIK ng Team Pacquiao ang serbisyo ni Nonito Donaire Sr., ama ng dating world boxing champion na si Nonito Jr. at dating naninirahan sa Gen. Santos City, para maging bahagi ng coaching staff ni Many Pacquiao.
Ito ay para sa paghahanda ni Pacquiao sa nalalapit na title fight laban kay WBA welterweight champion Lucas Matthysse ng Argentina sa Hulyo 15 sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Isang linggo sa training camp ni Pacquiao ay unti-unti nang nabubuo ang plano at taktika kung paano malulusutan ni Pacquiao ang mas batang kalaban.
“Donaire will serve as one of the assistant coaches,” sabi ni Pacquiao na nagsagawa ng dalawang trial rounds sa mitts kasama si Donaire na noon ay sinanay din at hinubog si Nonito Jr. para maging three-weight division champion.
“So far, so good. I am happy with my current team,” sabi pa ni Pacquiao na nag-dayoff sa training nitong Sabado at Linggo para magpahinga at mag-relax.
Si Pacquiao ay galing sa isang kontrobersyal na kabiguan laban kay Jeff Horn ng Australia noong isang taon. Kaya naman todo-pursige ang Senator para patunayan sa mundo na may ibubuga pa siya sa boxing at kaya pa niyang maging kampeon muli.
Target ni Pacquiao na maangkin ang kanyang ika-11 world title.