DATI na palang pinoproblema ng mga produksiyon ang isang young actress na balitang pinatay agad sa isang serye para mawala ang problema ng mga taong nagpapatakbo sa palabas.
Kailan na lang may naglakas-loob na ilantad ang sobrang kamalditahan ng young actress na ito, pero ang totoo ay matagal na siyang nagmamaldita, astang sikat na sikat siya kung pumorma.
Sa set ng isang pelikulang kumita ay kasama ang young actress na ito, tamang-tama ang papel na ginampanan niya sa movie, isang pasaway na anak sa istorya.
Nu’n pa man ay kalat na kalat na ang kanyang kamalditahan, nang magkaroon kuno ng press visit sa shooting ay ayaw niyang humarap sa mga reporters, matindi lang ang ginawang pakiusap sa kanya ng production staff kaya nagpainterbyu na rin siya.
Kuwento ng aming source, “Kung ‘yung bida nga, e, tuwang-tuwang humarap sa mga reporters, talagang thank you siya nang thank you sa mga writers, kaya ano naman ang hawak na karapatan ng young actress na ‘yun para mag-inarte pa siya?
“Maldita talaga ang babaeng ‘yun, ang feeling niya kasi, e, sikat na sikat na siya. May malaki na ba siyang napatunayan? May maipagmamalaki na ba siya para pumormang parang sikat na sikat na siya?
“Maligo sana sa pulot ang babaeng ‘yun para makapag-isip-isip naman siya na wala pa siyang karapatang magmaldita, ‘no! Nakakaloka siya, paano na kapag sumikat na nga siya?” inis na kuwento ng aming impormante.
Hindi rin gusto ng marami ang paangas niyang pagsagot sa mga tanong, halatang nasa ulo na talaga niya ang kakapiranggot lang namang popularidad na meron siya, feeling na feeling talaga ang female personality.
“May ginagaya siyang actress, pero hindi naman bagay sa kanya ang pagsagot nang parang nambabara. Iisa lang ang nakagagawa nu’n na tanggap ng publiko.
“May napatunayan na kasi ang female personality na ‘yun, unlike her na ni hindi pa nga siya nagbibida, e, ganyan na siya! Anyare tuloy sa kanya sa isang serye? Tinigok agad siya, ipinaanod na lang siya sa dagat, di ba?” nakairap na kuwento pa ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, bigyan n’yo nga ng hopia ang babaeng ‘yan, para mahimasmasan naman siya!
q q q
Nakakaloka si Arci Muñoz, ipinaglihi na rin sa patola. “Pak you all!” naman ang kanyang ganti sa mga nagkokomentong nagpapa-cute siya sa seryeng pinagtatambalan nila ni Piolo Pascual.
Sabi pa ni Arci ay inggit na inggit lang daw ang mga pumapansin sa acting niya dahil wala silang Piolo Pascual na ka-partner. Ganu’n ang arya ni Arci.
Kung nananahimik nu’n si Arci sa mga pumupuna sa kanyang itsura na ibang-iba na dahil sa hilig niyang magparetoke ng mukha ay hindi niya napigilan ang pakikialam ngayon ng kanyang mga bashers sa role niya sa serye.
‘Yun daw kasi ang kanaturalan ng role na ipinagkatiwala sa kanya, alangan naman daw na kontrahin niya ang script, samantalang artista lang naman siya sa palabas at hindi niya kontrolado ang daloy ng kuwento.
Dahil sa komento niyang “Pak you all!” ay umani ng mga pagpuna at upak ang dalaga, bastos daw siya, walang breeding, kaya kung makapagkomento siya ay ganu’n na lang, pabastos din.
Paminsan-minsan ay nasisilip namin ang seryeng pinagtatambalan nila ni Piolo, okey naman ang dating ni Arci, alam mong ganu’n ang pagkakapakete sa papel na ginagampanan niya.
Parang tactless na parang nagpapa-cute kay Piolo, nag-iinarte siguro ang dating nu’n para sa iba, pero kung ‘yun ang kanyang packaging ay hindi niya puwedeng baguhin ang kanyang acting.