Mga Laro sa Miyerkules
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Columbian Dyip vs Rain or Shine
7:30 pm San Miguel Beer vs Meralco
ISINALBA ng krusyal na tres at technical free throw ni Matthew Wright sa naging nakakalitong pagtatapos ang Phoenix Fuelmasters na umahon muna sa 16 puntos na paghahabol para itakas ang 89-87 panalo kontra Magnolia Hotshots sa pagpapatuloy ng eliminasyon ng 2018 PBA Commissioner’s Cup Linggo sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Binalewala ng Fuelmasters ang 16 puntos na pagkakaiwan sa ikatlong yugto, 62-46, kung saan tanging nagawa nito na mahawakan sa unang pagkakataon ang abante sa bankshot ng import na si James White para sa 85-84 iskor may 25 segundo na lang sa laro.
Ibinigay muli ni Ian Sangalang ang abante sa Hotshots sa 86-85, may 22.9 segundo sa laro, bago dinagdagan ni Paul Lee ng split sa free throw sa huling 15 segundo ng laban para sa 87-85 bentahe.
Gayunman, nagawa ng Gilas Pilipinas member na si Wright na makawala mula sa pagbabantay ni Rafi Reavis para maipasok ang stepback na kuwestiyonableng tres dahil halos nakatapak ito sa linya para sa 88-87 iskor na naging sanhi ng bahagyang kaguluhan sa laro.
Matapos maihulog ni Wright ang kanyang pinakaunang tres sa laro ay biglang tumunog ang buzzer para sa isang time-out na naitala para kay Magnolia coach Chito Victolero na nagresulta para mapatawan ng technical foul.
Agad na naipasok ni Wright ang free throw para sa kanyang ikaapat na sunod na puntos at siguruhin ang panalo ng Phoenix.
“Flat na flat kami the whole 24 minutes. Hindi ko alam kung bakit. Sinabihan ko na lang ang mga players na kung may pride kayo eh di laruin ninyo na lang. Mabuti na lang gumanda ang laro sa rotation noong ipasok ko si L.A Revilla at nagkaroon ng buhay ang laro,” sabi ni Phoenix coach Louie Alas.
Pinilit pa ng Hotshots na maagaw ang laro sa natitirang 3.2 segundo subalit hindi umabot ang tira nito.
Pinamunuan ni White ang Fuelmasters sa itinalang 19 puntos at 17 rebound. Nag-ambag si Wright ng 19 puntos.