DA who ang tatlong matataas na opisyal ng gobyerno na umaasa ngayon sa kani-kanilang backer sa gobyerno para hindi masibak sa harap ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng kanilang departamento?
Bagamat tahimik si Pangulong Duterte sa mga isyung ipinupukol sa tatlong government executives, tiyak namang “call a friend” ang drama ng mga opisyal dahil sa posibilidad na sumunod sila na matsugi sa administrasyon.
Kilala kasing may mga backer ang tatlong opisyal kayat itinalaga ni Digong.
Isang senador at kilalang isa sa mga kaalyado ni Pangulong Duterte ang backer ni government official A kayat kahit patong-patong na ang mga isyung binabato sa kanya, nananatili pa rin ito sa kanyang puwesto.
Ganito rin ang kaso ni government official B na nauna nang napaulat na humingi ng libreng item mula sa isang negosyante, bagamat nakalusot siya rito.
Mas sakit naman sa ulo si government official C dahil hindi lamang internal issue ang dulot ng kapalpakan nito matapos ang pagpapakalat ng kontrobersiyal video.
Parehong isyu ng korupsyon ang kinakaharap ng naunang dalawang government executives na alam naman nating hate na hate ni Digong.
Kinumpirma mismo ng malapit kay Digong na parehong iniimbestigahan ang dalawang opisyal sa kontrobersiyang kinakaharap.
Hindi biro kasi ang kinikuwestiyong halaga.
May binuo namang team ang pamahalaan para naman ayusin ang gusot na nilikha ni government official C.
Balita pang nagkaroon ng shouting match sa pagitan ni government exec C at ng isa pang opisyal dahil sa kapalpakan ng una.
Inaabangan tuloy kung nananatiling malakas ang mga backer ng tatlong opisyal para hindi magalaw sa kani-kanilang puwesto.
Kailangan nyo pa ba ng clue? Alam kong kanina pa ninyo nahulaan ang mga tinutukoy ko.