BUO na ang kauna-unahang girl idol group ng bansa matapos pangalanan ang 16 members na bubuo ng MNL48 First Generation sa pangunguna ni Sheki Arzaga ng Quezon City, ang siyang tinanghal na Center Girl.
Inilabas ang resulta ng kumpetisyon sa unang general election ng idol group sa It’s Showtime last week matapos ang isang linggong botohan na siyang tumukoy kung sino-sino ang bubuo sa MNL48, ang Pinoy version ng popular na grupong AKB48 ng Japan.
Kilala si Sheki bilang “powerful stage queen” ng grupo dahil sa kanyang agaw-pansing paghataw at galing sa pagbirit.
Kasama naman niya sa top seven o “Kami 7” sina Abby Trinidad ng Bacoor, Cavite; Sela Guia ng Laguna; Tin Coloso ng Iloilo; Zen Inot ng Cebu; Alice de Leon ng Quezon City; at Trixie Tano ng Marikina.
Nakaabang sa kanila ang international recording at endorsement deals, at sila rin ang magiging headliners o mangunguna sa performances ng grupo sa itatayong MNL48 theater. Meron din silang recording contact sa Star Music.
Bukod dito, bibigyan din sila ng pagkakataong makapag-perform kasama ang sister group nilang AKB48 at lilipad patungong Japan para sumailalim sa exclusive trainings.
Pasok din sa grupo bilang first generation members ang top eight to 16 girls o “Senbatsu” na sina Ella Amat ng Tiaong, Quezon; Ash Garcia ng Las Piñas; Gabb Skribikin ng Pasig; Jem Caldejon ng Noveleta, Quezon; Sayaka Awane ng Legazpi City; Faith Santiago ng Malabon; Lara Layar ng General Santos City; Grace Buenavidez ng Nueva Vizcaya; at Quincy Santillan ng Tabaco, Albay.
Kagaya ng top seven girls, nasungkit din nila ang mga premyo gaya ng recording at endorsement contracts, pati na ang pagkakataong bumida sa music videos ng grupo at mag-perform kasama ang AKB48.
Ang kumpetisyon ay nilikha sa pagsasanib-puwersa ng ABS-CBN at Hallo Hallo Entertainment ng Japan.
Kamakailan ay humarap ang grupo sa entertainment press at dito nga naitanong kay Center Girl Sheki kung anu-anong challenges ang hinarap nila bago mabuo ang grupo.
“Simula pa lang po, ramdam na po ang challenge sa mga performance namin. Ako po marami akong na-experience na barriers at hindrances, pero lahat po iyon hindi po ako nagpa-apekto at kung madadapa po ako ng paulit-ulit, paulit-ulit po akong mag try para sa pangarap ko,” aniya.
Dagdag pa ni Sheki, “Nagpapasalamat po kami sa suporta ng mga supprters po namin at mga pamilya po namin. Wala po kami dito kung hindi dahil sa kanila.”
Kung nais n’yong mapanood ang mga kaganapan sa naging journey ng bawat member ng MNL48, go lang kayo sa official Facebook page at YouTube channel ng grupo.