ANG softball ay isang sport na kung saan ay namayagpag ang Pilipinas sa parehong men’s at women’s division.
Sa totoo lang, hanggang ngayon, tayo pa rin ang hari at reyna sa Southeast Asia at basta kasama ang men’s at women’s softball sa Southeast Asian Games, double gold agad tayo.
Noong early 1970s nga ay talagang tinitingala tayo sa buong daigdig.
Nag-third place ang Blu Girls sa World Championships na dito ginanap sa Pilipinas.
Nag-top 4 finish din ang Blu Girls noong 1974 at ang Blu Boys naman ay pumanglima noong 1972.
At ini-import pa ng ilang kalapit bansa ang mga member ng Blu Girls para maglaro sa kanilang team.
Alam ko ito dahil noong mga nakaraang Grand Slam sa Clark, nakapag-cover ako doon at naglaro nga ang ilang kababayan natin para sa ibang bansa.
Isa si Apol Rosales sa men’s side na kinuku-hang import player sa ibang bansa.
Isang naging problema ng PH softball noong 1990s ay hindi na-maintain ang mga team natin at nag-decline nga ang softball sa Pilipinas.
Mabuti na lang at sa turn of the century, pumasok sa eksena ang sports patron na si Jean Henri Lhuillier at sinuportahan ang softball. Eventually, naging presidente siya ng Amateur Softball Association of the Philippines (Asaphil) at hanggang sa kasalukuyan ay nanunungkulan pa rin siya bilang pangulo ng asosasyon.
At dito sa atin, lumamang sa popularidad ang women’s side kaysa sa men’s side.
Last year nga ay maganda ang naging resulta ng kampanya ng Blu Girls abroad at dahil dito nag-qualify sila na sumali sa Asian Games at World Women’s Softball Championship.
Sa taong ito rin ay tumaas ang kanilang ranking, number 15 na yata sila sa daigdig.
Mantakin ninyo na nag-qualify ang Blu Girls sa sariling effort at walang outright qualification o wildcard entry. Kaya nga pati si JHL ay mas suportado ang Blu Girls kaysa sa Blu Boys.
Target nilang makalahok sa 2020 Olympic Games sa Japan.
Di nga ba naibalik na ang softball sa Olympics matapos na i-drop ito mahigit sampung taon na ang nakaraan at nangampanya ang International Softball Federation na maibalik nga ang event sa Olympics.
Pero kamakailan lamang, nagpakitang gilas naman ang Blu Boys sa katatapos lamang na 10th Asian Softball Men’s Championship sa Indonesia na kung saan pumangalawa sila overall.
Tinalo lamang sila ng Japan, na third ranked lang naman sa daigdig, sa finals sa iskor na 4-0.
At dahil sa achievement na ito ay nag-qualify rin ang Blu Boys sa World Championship sa Czechoslovakia dahil nag-top 3 nga sila, kasama rin ang third placed team na Singapore.
Pero ang katotohanan sa parehong men’s at women’s teams natin sa softball, taob tayo palagi sa Japan at hindi naman nakakapagtaka dahil kumpleto suporta ang mga Japanese teams pagdating sa pakikilahok sa mga international tournament. At alam naman natin na ang pagsali regularly sa mga mabibigat na kompetisyon abroad ang pinakamalaking factor sa tagumpay at ikagagaling ng isang team o isang atleta saan mang sport.
Sana nga ay magkaroon ng renaissance sa softball dito sa atin at dumating din ang pagkakataon na makakasabay tayo sa Japan pagdating sa softball. Pero ganun pa man, alam ko na may respeto sa ating teams dito sa Asia, pati Japan.
Binabati ko ang Blu Boys sa kanilang tagumpay.